Pagbabalik
Matagal ko na ring binalak na bumalik sa aking paaralan noong elementary at high school, ngunit hindi matuluy-tuloy dahil sa may kalayuan ang tinirihan kong bahay ngayon. Nasa Singalong, Maynila ang paaralan ko at sa Katipunan, Lungsod Quezon na ako tumitigil. Mahigit na walong taon na rin ang nakalilipas nang huli kong bisitahin ang paaralan ko.
Isang araw ng Sabado nagkaroon ako ng pagkakataong makauwi sa aming tahanan sa San Andres. Ibang daan ang tinahak ko pauwi: mula
Habang tinatahak ko ang quadrangle na nasa gitna ng mga building, bumilis ang tibok ng puso ko. Ito ang lugar na kumupkop sa akin ng labing-isang taon. Umupo ako sa hagdanan ng stage sa harap ng quadrangle. Sa kinauupuan kong iyon, hindi maisawan ang mag-senti. Wala na akong balita sa mga kaklase ko noon. Inisip ko kung saan na nagpuntahan ang mga kaklase, ka-officer, ka-batch at kabarkada ko matapos ang pagpapalitan ng mga autograph, kodakan, tawanan, yakapan, iyakan at paalam noong graduation day. Ano na ang nangyari sa mga takot at pangarap namin? Malakas pa kaya ang mga teachers ko? Paano ko sila mapapasalamatan sa mga itinuro nila na ngayon ko lamang naiintindihan?
Muli akong naglakad patungo sa gusali ng aking paaralan. Naaalala ko pa noon na kung paano ako mabilis na naglalakad pasan ang mabigat na backpack at hinahabol ang flag cermony. Ibang-iba na rin ang mga building; taon-taon yatang pinipinturahan ng paiba-ibang kulay: green, cream, at white. Hinihintay ko na lamang na pinturahan ito ng pink para pinaka-kakaiba sa lahat ng mga gusali dito sa Maynila. Marami ring pagbabago sa quadrangle. Naglagay na sila ng mga benches. Kakaunti na rin ang mga halaman na nasa harap ng corridors ng bawat classroom. Marahil pinaghahagis na ng mga walang magawang estudyante, trip lang ba.
Sa quadrangle ring ito kami naghahabulan ng aking mga kaklase pagkatapos pagagalitan kami ng teacher ko noong grade 1 dahil sa pawisan at mabantot na kami. Dito rin sa quadrangle na ito kami tumitingala sa may corridors tuwing papauwi ang mga high school girls; ang turo sa akin ng isang kaklase baka raw kami makakita kami ng “langit”. Dito rin kami pinagpulot ng mga balat ng kendi at mga basong plastic pag nagpa-power trip ang teacher namin sa PE na tinatamad na magturo. At dito rin namin hinahabol ang mga pusang gala pag kami naman ang nagpa-power trip.
Inikot ko ang buong building habang ibinibalik ng buong building ang mga alaala ko. Halos walang pagbabago sa loob. Nadaanan ko ang canteen na puro mainit na lugaw lang binebenta noong elementary pa ako. Ito ang pinaka-masustansyang pagkain nainihahanda nila, yun nga lang, magpapaltos sa paso ang dila mo dahil kailangan mo itong ubusin sa loob ng limang minuto (15 minuto ang recess, 10 minuto late lagi ang lugaw). Dito nabuo ang grupo naming mga estudyante na laging nagpapalitan ng baon o kaya nama’y nanghihingi ng lugaw.
Napadako ako sa CR ng mga lalaki, na taon-taon din pinipinturahan para mabura ang mga vandalism. Naalala ko nang minsan umihi kami at nakaharap sa dingding, nabasa namin ang malalaking letrang nakasulat: “HAWAK MO ANG KINABUKASAN NG MUNDO!” At sa gawing ibaba ng mga katagang iyon may nakadikit na berdeng buble gum at nakasulat: “Please Donate”, masunurin naman ang mga estudyante, kaya’t laksa-laksang maiiksi at kulot na buhok ang naidikit. Hindi salat sa sense of humor ang mga tao sa aking eskwelahan.
Napadaan ako sa Music room at sinilip ko ang loob niyon. Wala na ang nakakandadong piano na araw-araw naming pinaglalaruan. Marahil ay naihagis na sa mga sintunadong estudyante at choir.
Nakita ko ang library, kung saan makikipagsapalaran ka muna sa librariang bumubuga ng apoy bago ka makapaglabas ng libro. Pinuntahan ko rin ang Science Laboratory at naroon pa rin ang mga shells at mga patay na hayup. Main attraction dito ang fetus na nasa isang garapon. Hindi ko na nakita ang fetus, marahil pinatahimik na nila ang sanggol, napabalitaan kasing nagmumulto ito dati. Dito rin sa lab ang aming taguan tuwing gusto naming mag cutting classes.
Sinadya ko rin ang CAT Armory noong COCC pa ako. Sira-sira na ang mga kahoy na M1-garand, ito yung mga baril napinagpa-praktisan namin. Saksi ang silid ito sa mga kahindik-hindik na pinagagawa ng mga CAT officers sa amin. Ang pagpapasahan naming mga trainee ng iisang kendi sa bawat isa, ang pagpiring ng aming mga mata sabay hampas sa mga dibdib namin at bigwas sa tiyan. Pero hanggang ngayon wala pa rin ang nakakaalam ng mga tunay na pangyayari. Ang lagi nga naming sambit noon bago gawin sa amin ang mga iyon “(sir!) What you see, what you hear, what you feel, when you leave, leave it here (sir!).” Nadaanan ko rin ang THE room namin kung saan natuto kaming manahi at magluto ng menudo na puro patatas at pasas. Dinaanan ko rin ang mga naging classroom ko, nakita ko pa ang ang aking sarili na nakaupo sa isa sa mga upuan kasama ang mga kaklase ko.
Kinakabahan ako habang nag-iikot, baka kasi may teacher na makakita sa akin at sitahin ako. Baka tanungin ako kung ano ang section ko at isumbong ako sa adviser ko. Ngunit wala. Mag-isa lamang pala ako. Walang ibang tao sa paligid. Tahimik. Nakakabingi
Sinadya ko ang registrar’s office para kunin ang kopya ng Caritas book ko. Tuwang-tuwa ang registrar, sabik makakita ng mga graduates ng paaralan. Tinanong ko kung ano ang nangyari sa eskwelahan nang umalis ang batch namin, sinagot niya ang mga tanong ko pati ang mga bagong “chismis” tungol sa mga kaklase ko. Pati siya, hindi pa rin pala siya nagbabago.
Bago ako umuwi, bumalik ako at umupo muli sa hagdanan ng stage sa harap ng quadrangle at nagpahinga. Dito ako nakapwesto tuwing may CAT formation at sisigaw ng “Pasaaaa….. Masid!” at umaalingaw-ngaw ang sigaw ko sa buong quadrangle. Pugad din ito ng mga kapwa ko CAT officer tuwing mang-uuto ng mga COCC. Marahil isang huling pabaon mula sa aking paaralan.
Habang papalabas ako ng eskwelahan napansin kong wala na rin ang mga puno sa gawing kanan ng quadrangle. May bagong gusali ang nakatirik dito – ibinaon na ang paborito naming tambayan. Wala na ang mga tuyong dahon, ang mga bulateng binubudburan namin ng asin, ang mga higad na nambibiktima ng estudyante at ang mga tae ng ibon. Ang naiwan na lamang ay ang mga alaala ng mga pagkakaibigan ng mga batang sabay-sabay humarap sa mundo.
Magkahalong saya at lungkot ang baon ko pauwi. Dahil nakuha ko na ang Caritas book, marahil iyon na rin ang huling dalaw ko sa lugar na kumupkop ng aking kabataan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home