Wednesday, September 06, 2006

Nakakatawa o Nakakaiyak?

Minsan may isang kaibigan ako na nagtanong ng ganito: “ikaw ba, naiin-love ka pa rin ba?” hahaha! medyo nagulangtang lang ako sa kanya ang pinaka safe na sagot dito ay “teka kapatid, saan ka nangagaling?” Sa totoo lang maraming pwedeng isagot dito: sa isang maka Diyos at relihiyosong paraan (naks! holy... 1 Cor 13:4-13), sa isang pabiro ngunit seryoso (meron ba noon?), sa isang analogia (ooopssss... nagpaka nerd na naman) o sa pinaka baduy na paraan, ang seryosong usapan (pero gaganda ito pag kasama si San Miguel Arkanghel [as the SPIRIT moves] at kumakanta si Pido hahahaha!). Natutuwa ako dahil ito na lang ang sinagot ko sa kanya “ano sa tingin mo?” (hatalang ayaw sagutin ang tanong -- madaya)

Medyo malawak kasi ang usapin ng pag-ibig. May nabasa ako kamakailan lamang, pinadala sa akin ng isang kaibigan. May tama lang sa akin ang mga sinabi niya kasi parang mgakatotohanan ang lahat ng binanggit niya tungkol sa pag-ibig. Nakakatawa daw kasi ang love, parang isang malaking oxymoron daw. Tinignan ko ulit ang ibig sabihin ng oxymoron baka kasi hindi lang kami nagkakaintindihan, pero ang sabi: Oxymorons (or oxymora) are literary figures of speech usually composed of a pair of neighbouring contradictory words (often within a sentence). However this is not always the case. The Webster Dictionary defines oxymoron as "a combination of contradictory or incongruous words. Sige, sige pareho nga kami ng sinasabi, pero paano nanging oxymoron ang love? Minsan nga daw kasi, lahat ng pwede mong masabi sa kanya, kahit baliktarin mo man ay totoo pa rin. Ang labo diba? Pero ang linaw. Masaya magmahal. Malungkot magmahal. Di mo naiintindihan pero naiintindihan mo. Walang rason, maraming rason. Di mo na kaya, pero kaya mo pa rin. Masakit magmahal. Pero okey lang. anak ng… leche! ano nga ba talaga?!

Ikunuwento niya sa akin, may kaibigan nga daw siya, sabi niya dati "Love is only for stupid people." Nakakatawa kasi ito yung pinaka matalinong kaklase niya at valedictorian ang standing niya, pero dumating ang panahon, na-in-love din ang hunghang. At ayun, tanga na siya ngayon. Lahat kasi ng nahahawakan ng love nagiging oxymoron din. O kaya paminsan, nagiging moron lang at dito marami akong nakilala na nagpaka moron dahil sa pag-ibig.

Hindi lang kasi basta baliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaligtad din ng pag-ibig. Lahat ng malalakas na tao ay humihina (tignan mo si Samson). Ang mayayabang ay nagpapakumbaba (katulad ni Martin Heidegger). Ang mga walang pakialam, nagiging Mother Teresa (may nakilala akong nag-Gawad Kalinga para lang makasama si… hahaha chismax ito). Ang mga henyo, nauubusan ng sagot (hahaha! matematician pa ha-- sino nga ba ito?). Ang malulungkot, sumasaya. Ang matitigas, lumalambot. (At tumitigas din ang mga bagay na madalas nama'y malambot --kayo na bahala na mag-isip kung ano man yun) Bali-baliktad din ang nasasabi ng mga taong tinamaan ng madugong pana ng pag-ibig. "Ngayon ko lang nalaman ganito pala. Huhuhu! Sabi ko na nga ba eh! " "Ang sarap mabuhay. Pwede na 'ko mamatay. Wooohoooo Now na!"

Ito pa ang nakakatawa, lalo na kapag dumadating siya sa mga taong ayaw na talaga magmahal, as i
n nasaktan o iniwan, basta na bigo o na brokenhearted. Napansin ko lang, parang kung gusto mo lang ma-in-love ulit, sabihin mo lang ang magic words na "Ayoko na ma-inlove! (ipagsigawan mo dapat, may kasamang 'promise')" biglang WHAAAPAK! Ayan na siya. Nang-aasar. Magpapaasar ka naman.

Isa pang nakakatawa, kaya nga nagustuhan ko ang sinabi niya. Marami nang lumapit sa akin para humingi ng payo tungkol sa pag-ibig (kaibigan, kaklase, kasama, kabarkada, kahit na mga kamag-anak, akala kasi nila ako si Joe d' Mango) ito lang ang napansin ko na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galing-galing ko, pero pag problema ko na yung pinag-uusapan parang nawawalan ng saysay lahat ng ipinayo ko dun sa namomroblemang tao. Naiisip kong wala namang mali dun sa mga sinabi ko. Pero bakit parang wala ring tama?

At hindi lang 'yon. Ang sarap din pagtawanan ng mga taong alam naman nilang masasaktan lang sila (ehem!) eh magpapatihulog pa rin sa bangin ng pag-ibig. Haaayyyy…. Tapos pag luray-luray na yung puso nila, siyempre hindi sila yung may kasalanan. Siya! "Bakit niya 'ko sinaktan?" May kasama pang pagsuntok sa pader yon at pagbabagsak ng pinto o pagpatak ng luha…. Tsk… Hayop talaga.

Ewan ko, medyo may tama lang sa akin ang binasa ko. Haayyyy mauubos ang buong hapon at magdamag ko kakasabi ng mga bagay na nakakatawa pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Kasi naman ang daming beses ko na rin kasi siya nakasalubong kaya masasabi ko nang eksperto na 'ko, pero ang totoo... wala pa rin akong alam.

Pero ang pinaka nakakatawa sa lahat ay ang katotohanang kapag gustong magpatawa ng pag-ibig, pucha! Ipusta mo pa ang lahat ng ari-arian mo...
Dahil siguradong ikaw ang punchline!

Nakakatawa no?
Nakakaiyak.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home