Sunday, August 27, 2006

Sa May Simbahan

Labing-apat na minuto makalipas ang alas-siyete ng gabing iyon, umupo ako sa isa sa mga benches na nakaharap sa simbahan ng UST. Pinanonood ko ang kanina’y punung-punong simbahan at unti-unting nagsilisan na mga taong taimtim na nagdadasal. Katatapos lamang ng Misa ng gabing iyon, ngunit umaalingawngaw pa rin sa aking isipan ang Ebanghelyo noong araw na iyon tungkol sa mayamang lalaki na inimbitahan ni Kristo na iwan ang lahat upang Siya ay sundan, umuwing malungkot ang lalaki sapagkat marami siyang ari-arian.

Dalawamput-apat na minuto na makalipas ang alas-siyete ng gabi. Tinatanaw ko ang buong paligid. Tahimik na ang lahat. Dahil bakasyon noon, kakaunti lamang ang tao at wala ang mga estudyanteng nagtatawanan, naglalakad nang sabay, nag-uusap o kaya’y nagsisimba ng sabay. Saksi ang simbahang ito sa isang yugto ng aking buhay. Dito sa simbahang ito nagsimula ang lahat.

Sariwa sa aking alaala ang aming unang pagkitita. Katatapos lamang din ng Misa at nobena nang lapitan ako ng babaeng katabi ko sa Misa noong araw na iyon.

“Aren’t you the President of Pax in Arts and Letters?” nagulat akong nakilala niya ako matapos magnakaw ng mga sulyap sa kanya habang nagmimisa.

“Hmm... yes ma’am. Why did you ask?” Kinakabahan ako baka magalit siya sa akin.

“I often see you in our building, together with Mandy. He’s my classmate kasi.” Akala ko nga’y ano na. Medyo nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niya.

“ Ahhh,,, yes, we are collaborating for an outreach project for our group. By the way what’s your name so that I can tell Mandy that we’ve met.”

I am Jaycee, and what’s your name?.” sabay ngiti.

Hi JC! I am Ryan.”

Matapos ang gabing iyon lagi ko na siyang nakakasabay na magsimba tuwing Miyekules ng gabi. Hanggang naging madalas ang aming pagkikita. Pagkatapos ng Misa kumakain kami sa malapit na fastfood at nagkukwentuhan at nagtatawanan tungkol sa aming karanasan sa pag-aaral. Minsan naman ay maglalakad kami sa paligid ng field at Benavidez walk – o ang tinatawag naming lovers lane para lamang makasaksi ng mga estudyante na naglalampungan na siya naming ginagawan ng kwentong katatawanan. Ngunit may mga oras din na mga seryosong bagay ang pinag-uusapan namin, tungkol sa aming buhay, mga pangarap at hangarin.


Naging mabuti kaming magkaibigan ni JC. Ngunit di nagtagal, mas lumalim ang pagkakaibigang iyon. Dito rin sa harap ng simbahan na ito kami nagkaalaman ng nararamdaman sa bawat isa, at dito rin ako nagtapat ng pag-ibig sa bawat isa. At dito rin kami sabay na nagplano ng aming mga pangarap at buhay.

Akala ko magiging maayos ang lahat, hindi pala. Maraming mga tanong ang gumulo sa aking isipan. Mga desisyong kailangang pag-isipang mabuti. Kaya nagpasiya kaming huminahon sa aming relasyon at mag-isip. At eksaktong isang taon noong araw na iyon nang magpasiya kaming mag-usap matapos ang isang taong hindi pagkikita. Tatalumpung minuto makalipas ang alas-siyete, magkahalong kaba at lungkot ang aking nadarama. Ayaw kong masakatan pa siya, ngunit kailangan niyang malaman ang katotohanan. Sa simbahang ito ko sasabihin ang lahat.


Matapos ang ilang sandali natanaw ko ang nakaputing babaeng naglalakad mula sa Medicine Building. Hindi ako pwedeng magkamali, siya na iyon. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Sa unang pagkakataon muli ko siyang makikita, at marahil iyon na rin ang huli naming pagkikita. Sa bawat poste na kanyang madaanan, naaninag ko ang maluha-luha niyang mga mata.Tumayo ako sa aking kinauupan, hinihintay ko ang kanyang paglapit.


"JC? Kamusta na?” halatang tinatago ko ang lungkot sa aking boses.


“Sinabi sa akin ni Mommy na gusto mo akong kausapin, natanggap ko ang iyong text pero ayokong sagutin… So how’s your discernment going on?”
Isang sandaling katahimikan. Ayaw kong saktan ang kanyang damdamin, ngunit kailangan niyang malaman. Sana matapos na ang paghihirap kong ito. Binasag niya ang aking katahimikan.

You know what? I decided to leave next year for the US, doon na lang ako magpapatuloy ng pag-aaral ng medicine. It’s just that it was painful for me to…”

“JC… I don’t want to give you false hopes…”

Muling pumatak ang kanyang luha. Ayoko ng ganitong pakiramdam.

“Rai, I respect your decision. Alam mo kung ano ang nararamdaman ko sa iyo and that wouldn’t change. I guess I was just too afraid that time will come that you will leave me.”

Ipinaliwanag ko ang mga pangyayari at lahat ng aking nagpagmuni-munihan sa loob ng Arvisu House. Ito ang buhay na nais ko, ngunit hindi ko alam kung sigurado ako na iyon ang buhay ko panghabangbuhay. May mga sandaling hinahanap ko rin siya. Kung baga sa sugal, ito ang taya ko: ang alok sa aking magandang trabaho, ang pamilya ko at ang pinakamahirap na na isugal – siya. Si JC ang naging buhay ko, siya ang nagbibigay sa akin ng lakas, siya ang nagbibigay sa akin ng kasiyahan. Pero may mga ilang bagay na kailangang sakripisyo para sa isang mas malaking misyon.

“JC, I hope you understand…”

I completely understand…. It’s just that I am too afraid to hear this. Hinanda ko na ang sarili ko sa araw na ito pero hindi pa pala ako handa.”

Patuloy ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata. Kumuha ako ng panyo at pinunasan ang kanyang mga luha. Humagulgol siya sa aking balikat at niyakap ko siya nang buong higpit. May mga luha na rin na pumatak sa aking mga mata. Ayoko rin siyang iwan. Pakiramdam ko noon ay nasa gitna ako ng naghihilahang lubid. Hindi ko alam kung saan ako papanig. Bumitiw ako sa aking pagkakayakap at tiningnan ko siya sa mga mata.

I guess this it. I guess have to say goodbye.” Ang sinabi niya.

Hindi ko sinagot ang kanyang sinabi. Ayaw ko rin siyang mawala. Ngunit kailangan mamili ako sa dalawa. Kailangan ko rin siyang palayain kung pipiliin ko ang buhay Heswita. Hindi lang siya ang nasasakatan kung di mas masakit rin sa akin na iwan siya.

“You take care there… I know you’ll be in good hands. Don’t worry, I’ll pull myself out of this. I will be fine Ryan... Thank you very much for everything.”

Hinalikan niya ako sa pisngi, at naglakad siyang papalayo na umiiyak. Titinignan ko siya hanggang hindi ko na siya matanaw. May parte sa akin na nagsasabing habulin siya, pero hindi ko na nagawa. Ayoko nang dagdagan pa ang sakit na nadarama niya. Naglakad akong uumiyak papasok sa simbahan, ano nga ba ang nagawa niya para masaktan nang ganoon. Ano nga rin ba ang nagawa ko upang masaktan ako nang ganito. Hindi ko alam kung tama ba ang naging desisyon ko na iwanan siya. Hindi ko natitiyak kung magtagagal ako sa loob ng seminaryo. Walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Humarap ako sa malaking Krus sa may altar at nagdasal. Sana maging maayos ang lahat. Sana maging okey siya. Pakiramdam ko noon ay tumalon ako sa isang malalim na bangin na hindi ko alam kung saan ang hangganan. Takot, pangamba ngunit may pag-asang dadalhin ako kung saan man ako nararapat. Iyon na lang tangi kong hiniling sa Taong nakabayubay sa Krus kasabay ng pag-aalay ng hapdi at hirap na aking nadarama nang sumandaling iyon. Nang tinawag niya ako, iniwanan ko ang lahat para sundan siya at masasabi kong hindi ito madali.

Mag-aalas nuwebe na ng gabi nang ako’y lumabas ng simbahan. Pinahiran ko ang aking mga luha, habang naglakad papalayo. Tumigil ako sandali at tinatanaw ang simbahan ng UST. Saksi ito sa isang yugto ng aking buhay. Sa lahat ng mga tawanan, iyakan, biruan at pag-iibigan. Sa may simbahang ito nagtapos ang lahat. Ngunit sa simbahang ding ito ako nakapagsimulang muli.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home