Thursday, August 03, 2006

Hangga't Maaga

Ibang pagkamatay
ang sadyang pagpatay sa pag-ibig
hangga’t maaga.
Walang takot sakali man
maisulat ang pamamaalam ng alab.
Wala ang lupit ng pag-iisip
na tigib sa halimuyak ng pag-asa.
Ang suyuang tila ‘di mapapatid.
Walang pangungulila
kung hindi man dumating
ang isang hinihintay.
Walang pakikipaghabulan
sa humahangos na orasan.

Walang bunton ng retrato
at kahon-kahong liham
na hahalukayin at balik-balikan.
Walang awit na sasabitan
ang bawat titik ng kahulugan.
Walang pook na papasyalan,
sa puno’y walang iuukit
na pangalan ng minamahal.


Ibang pagkamatay
ang sadyang pagpatay sa pag-ibig
hangga’t maaga.
Walang araw, walang dagat,
walang sukal, walang alapaap,
walang bangin, walang yungib
walang magagalugad
itong pusong nag-iisang lugmok
at ‘di alam ang liwanag.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home