Sunday, July 30, 2006

Bayan-I

(mula sa aking tala-arawan noong nakaraang tag-araw. Muling inilathala sapagkat nasira ang pahinang ito)


Isang tahimik at banayad ang lagaslas ng tubig na umaagos sa batis na nasa tabi ng Gawad Kalinga Kalayaan Village sa Gabaldon Nueva Ecija. Nakakapanatag ng loob at payapa ang lahat. Sa ilalim ng punong Igos na malapit sa batis, may isang tablang upuan. Dito ko umuupo, tinatanaw at pinapakinggan ang pagdaloy ng batis sa Gabaldon. Lagi akong pumupunta dito sa bawat araw na natatapos para magdasal at magbalik tanaw sa nakaraang araw, sa ganitong paraan kasi naisasaayos ko ang aking pag-iisip at katauhan. Isang gabi tinitignan ko ang repleksyon ng maliwanag at bilog na buwan sa batis, kinakalat ng batis ang liwanag na nagmumula sa buwan, at ito ay hanggang sa abot na tanaw na makikita. Patuloy ang pagdaloy ng tubig, ngunit kung titignan wari itong nakatigil. Habang tinatanaw ko ang payapang batis, bumabalik sa aking aalala ang mga mukha, larawan at pangyayaring naganap

sa loob ng mahigit na isang buwan na pamamalagi ko sa GK Village, sa bayan ng Gabaldon. Minsan, masarap magbalik tanaw.

May Pag-asa nga ba ang Pinoy?

Isa sa mga paborito kong ikuwento sa iba ay mula sa Noli Me Tanggere ni Rizal kung saan isang bata ay gustong subukan ang karunungan ni Pilosopo Tasyo. Tinanong ng bata si Pilosopo Tasyo kung ang ibon ba sa kanyang kamay ay buhay o patay. Alam ni Pilosopo Tasyo na kung sasabihin niyang “buhay” iipitin ng bata ang ibon at papatayin. At kung sasabihin naman niyang “patay” ay pakakawalan ng bata ang ibon at paliliparin. Kaya’t ang sinabi si Pilosopo Tayo: “ang kasagutan ay nasa iyong kamay”

Ang pag-asa ay nasa ating mga kamay. Ang hindi na natin kailangang tumingin sa malayo sa paghahanap ng kasagutan sa apat na tema ng buhay. Ang sabi nga ni G. Tony Meloto sa kanyang talumpati sa bagong nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas: “lahat tayo ay nagkasala, lahat tayo ay nagkulang. Ngunit ang pagsisihan ay walang nagagawang solusyon sa problema. Hindi rin ito nagkakapagpatayo ng mga tahanan para sa mahirap. Hindi nito mapapakain ang mga nagugutom. Hindi rin ito nagpapataas ng dignidad at dangal ng isang tao. Ito ay lason sa kaluluwa, pinapatay nito ang pag-asa. Ngunit imbes na sisihin ang iba, tignan natin ang ating sarili – ano nga ba ang nagawa nating mali? Ano ang hindi natin nagawa?” Kailangan natin ay magbago, upang makakita tayo ng isang pagbabago. At itong pagbabagong ito ay wala sa langit o sa kawalan, ngunit ang pagbabagong ito ay nasa ating kamay.

Sa aking pakikipamuhay sa kanila, bagamat may mga balakid, hindi nanatiling nasasadlak sa dilim ang lahat. Isang pag-amin na hindi rin talaga perpekto ang komunidad, na oo hindi madaling magtayo ng isang bansa, isang komunidad at isang tahanan. Ngunit sa kabila ng mga kadiliman, naroon pa rin ang suhay ng pag-asa na umuusbong mismo sa mga taong naninirahan doon. Mayroon tayong salita sa Filipino na walang katumbas ng salita sa Ingles, ang salitang “bayanihan”. Ang pakikipagtulungan ng bawat tao sa kanyang kapwa tao. Na sa halip na magsisihan sa mga pagkakamaling nagawa ay itinutuwid sa pamamagitan ng halimbawa. Na sa halip na mag-unahan ay walang iwanan.

Kada Sabado at Linggo, may mga ilang volunteers mula sa iba’t-ibang pamantasan at eskwelahan ang nagsisipagdalo para lamang tumulong na magtayo ng mga bahay sa Gabaldon. Minsan akong sumama sa kanila para makapag build. Kasa-kasama rin naman ang mga taong naninirahan sa Kalayaan at sabay na tumulong sa mga bisita upang gumawa ng bahay. Mula sa paghahalo ng semento, sa paghuhukay ng septic tank at sa pagpapalitada ng bahay naroon sila ang masayang naghahalakhakan habang gumagawa. Noong hapong iyon, sandali akong nagpahinga sa sulok at tahimik na pinagmamasdan ang mga volunteers at mga taga roon. Kasabay ng malakas na pagpapatugtog ng radyo, hawak-hawak nila ang mga piko, pala at mga timba ng tubig upang maghukay para sa ginagawang septic tank. Kahit mahirap ang pagpiko, pagpala at ang pagbuhat ng semento ay ginagawa nila itong mas masaya sapagkat sama-sama. Ang mga volunteers na sa kabila ng karangyaan, kayamanan na mayroon sila ay mas pinipili nilang magpabilad sa ilalim ng matinding sikat nag araw. Isa sa mga nakilala ko ay ang kasama kong si Nicole na mag aaral sa Ateneo, na mas pinipili pang gugulin ang bakasyon sa Gabaldon kaysa sa magpakasarap sa saan mang lupalop ng mundo. Mas kakaiba raw ang pakiramdam ng pagtulong sa kapwa sa gawaing hindi pipiliin ng ilan. Nariyan ang team Gabaldon na sina Dan, Monching, Bem, Reese, Jon at Elfred na nag volunteer sa iba’t ibang parte ng Nueva Ecija upang pagpatuloy ang nasimulang gawain sa Gabaldon. Naroon sila noong Sabadong iyon, at tumulong sa pag build. Hindi rin maiwawaglit ang ang mga kabataan ng GK Gabaldon na sa kabila ng trahedyang naranasan ay hindi sila nawawalan ng pag-asa upang itayo muli ang nasirang pamayanan at mga bahay. Naroon ang mga kabataang iyon na sabay gumagawa para ibang taong nawalan rin ng tahanan at walang matirhan. Ito ang mga kabataang sabay nangarap na itayo ang bansang ito na may dignidad at pag-asa. Mga kabataang nagsisilbing ilaw sa kinabukasang madilim at hindi tiyak.

Noong mga oras na iyon, doon ko napag isip-isip, na ang totoong problema ng ating bansa, o ng ating daigdig ay hindi kurapsyon, hindi mga pulitikong nagpapataasan ng ere, hindi terrorismo at hindi rin kahirapan. Ang problema ng bansa at ng daigdig ngayon ay ang pagiging makasarili at indibiduwalismo ng bawat tao. Pagkamakasarili ang nagiging ugat ng lahat ng problema - na lagi na lamang inuuna ang sarili: kung paano ako aangat sa iba, magiging iba sa lahat, yayaman at iiwanan ang lahat. Kung paano ko mararating ang rurok ng tagumpay at hindi na bale kung sino man ang aking masagasaan o matapakan pag abot nito. Kung paano ako titingalain ng mga tao ang magiging tanyang sa lahat. Ang pagiging makasarili at indibiduwalismo ang pinagmumulan ng hidwaan, digmaan, gutom at kahirapan. Pagkamakasarili ang sumisira sa mga tahanan, institusyon at isang bansa. Pagkamakasarili ang pinakamalaking kasalanan kung saan nakakalimutan nanting mag mahal sa kapwa.

Ang kailangan natin ngayon ay mga taong may malasakit kapwa, na mas inuuna ang iba kaysa sa kanyang sarili, ito yung mga tinatawag natin mga bayani. Kung titignan natin ang salitang “BAYANI” – BAYAN-I na kung saan ang “BAYAN” ay nauuna sa “I” - ang ako o sarili. Kinakailangan ng isang paglimot sa sarili at unahin ang kapakanan ng ating kapwa o ng bayan. At hindi ito pagaapuhap sa kawalan. Sapagkat ang makakatagpo tayo ng mga bayani sa atin mismo na hindi nakatayo sa isang monumento sa parke o isang matigas na rebulto o imahen na lamang. Sa Bayan ng Gabaldon, buhay at tahimik na gumagawa ang mga bayaning nakilala ko.

Masabi kong mga bayani ang mga estudyanteng galing Maynila at walang sawang pumupunta sa Gabaldon tuwing Sabado at Linggo. Ang Local Government Unit sa pangunguna ni Mayor Mandia at G. Noli Anarcon na halos araw-araw na sumasaglit upang tignan at alamin ang kanilang kalagayan. Ang mga kabataan ng Kalayaan na napapatuloy sa kabila mga kaguluhan at kadiliman ngunit patuloy na naniniwala sa pag-asa dulot ng Gawad Kalinga. Sila ang mga bayaning umaakay sa iba, mga bayani na iniisip ang kapwa kay sa sarili nila. Mga bayani na siyang gumigising sa mga natutulog na bayani sa atin at nagsasabing “pagsama-sama may pag-asa”. Mga bayani na sa pamamagitan nila, makikita natin ang mukha na Dakilang Lumikha na naka bakas sa kanilang mga mukha.

May isang istorya tungkol sa isang Rabbi at kanyang mga estudyante. Isang araw, tinanong ng Rabbi ang kanyang mga estudyante: “Paano mo malalaman na nagtapos na ang gabi at ang araw ay sumisikat na?” Ang sagot ng isang estudyante “kapag malinaw mong matatanaw ang hayop na nasa malayo ay isang leon at hindi isang tigre!” “Mali” ang sagot ng Rabbi. Ang sagot naman ng isang estudyante “kapag nakikita mo ng malinaw ang bunga ng isang puno ay isang langka at hindi isang durian!” “Mali” ang sagot ng Rabbi, “ito ay kapag kayo ay tumingin sa mukha ng iyong kapwa-tao na isang babae o lalaki at masasabi ninyo na siya ay iyong kapatid. Dahil kapag hindi ninyo pa rin ito nakita, kahit anong oras pa ng araw ay waring gabi pa rin.


0 Comments:

Post a Comment

<< Home