Isang Lumang Awit
Masasagap mo ang hangin ngunit ‘di mo matatangnan.
Madarama ang tubig kahit di mo mahawakan.
Matatanaw ang araw kahit hanggang tanaw lang.
At sa pagitan ng ganitong pagdanas,
may ilang bagay ka na matatagpuan
na pilit ikunukubli sa iyong gunita.
Ngunit sa sandaling ‘di maiwasang pag-iisa,
ay kakatok tulad ng ‘di inaasahang bisita.
Noon mo malalaman na hindi madaling talikuran
ang mga bagay na nakasanayan na.
Ang alaala pag nagtagal ay nagiging damdamin.
Ang damdamin pag tumindi ay nagiging pag-ibig.
Masasagap mo ang hangin ngunit ‘di mo matatangnan.
Madarama ang tubig kahit ‘di mo mahawakan.
Matatanaw ang araw kahit hanggang tanaw lang.
Minsan, ganoon ang pag-ibig.
Minsan walang tulay na namamagitan,
maliban sa pagnanais tumulay at makarating
kahit walang maisip na paraan.
Minsan ang pag-ibig ay parang isang lumang awit,
‘kipkip sa dibdib ‘pagkat nais magtagal
kahit na ang tamang panahon ay hindi dumating.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home