Thursday, July 27, 2006

Sapin-Saping Pagtangi

Ngumiti ka sa pagitan ng alikabok,
busina, mamimili at bangketa.
Kinunan ng larawan ng aking isipan
ang ngiting iyon.
Ilang buwan kong hindi nakita,
ilang buwan pang muli bago ko mapagmasdan,
kaya’t kailangang makasapat
ang iyong pabaong ngiti.

Itatago ko ang iyong ngiti
sa pagitan ng mga pahina
ng pangamba at pag-asa,
‘pagkat ang ngayo’y panahon ng panganib,
laging kakaba-kaba ang puso
sa mga nagmamatyag na mga mata
at nakikinig na mga dingding.

May nagbabantang kapahamakan
at hindi nito pahihintulutan
ang pagtatago
ng mga pinagbabawal na libro at manuskrito,
kahit ang iyong sulat
o larawang maaring hawakan.

Kaya’t sisilipin ko na lamang
ang iyong larawang
kinunan lamang ng isipan
sa mga araw ng pag-iisa.
‘Pagkat kinakapos ako ng alaala
sa iyong nakaraang hindi ako naging bahagi.

At lagi,
magigising akong hindi natatapos
ang mga panaginip
tungkol sa iyong kinabukasang
hindi rin naman naging akin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home