Saturday, December 02, 2006

Pulang Parol

(unang gantimpala - maikling kwento 2004)

Ika-24 ng Disyembre ng taong 1941.Tahimik at madilim ang buong paligid, at ang tanging ilaw lamang na matatanaw ay ang ilaw ng mga kandila sa simbahan. Wala ang sigla ng panahon na gaya noong mga nakaraang taon. Sa bayan ng Infanta, kumakalat ang balitang inulan ng bomba ang Maynila, ang Kampo Nichols at Clark field. Natalo rin daw ang hukbong pamhimpapawid ng mga Amerikano. Lumalaganap na rin ang balitang umalis na ang Pangulong Quezon sa Maynila. Noong araw na iyon, wala ang masasayang halakhakan, ang mga nakagigiliw na sigawan at nakaiindak na musika tuwing sasapit ang bisperas ng Pasko.

Ilang araw bago iyon ay nagulantang ang buong bansa sa ginawang pambobomba ng mga Hapon sa Pearl Harbor, at ilang oras lamang ang nakililipas sumunod ang Baguio, Davao at Tuguegarao. Walang kamuwang-muwang ang limang taon na batang si Gabriel sa nangyayari sa kanyang paligid.

Para kay Gabriel, ito ang araw na pinakahihintay niya sa buong taon. Ang mga masasayang kantahan, masisiglang palaro at masasarap na pagkain. Ngunit wala ang mga iyon ng araw na iyon.

“Magbihis ka Gabriel, at pupunta tayo sa simbahan,” ang yakag ng nagmamadaling Tatay niya.

Naalala ni Gabriel ang masasayang pagpunta nila sa simbahan kasama ang kanyang Inay. Namayapa ito ilang buwan pa lamang ang nakalilipas. Dalawa na lamang sila ng kanyang Tatay na magpupunta sa simbahan ngayong bisperas ng Pasko. Isinuot ni Gabriel ang kanyang bagong puruntong at camisa de Chino na hinanda niya para sa araw ng Pasko. Tinahak ng mag-ama ang daan patungong simbahan.

Napansin ni Gabriel na nagmamadali sa pagtakbo ang mga kabataang lalaki sa kanilang bayan, at karamihan sa matatandang kabaryo nila ay nasa pasilyo ng kanilang bahay at tahimik na nakatingala sa pulang parol na kanilang isinabit sa labas ng kanilang mga bahay.

“Tatay, ano po ang nangyayari?” ang tanong ni Gabriel

“Nagsimula na ang digmaan, inatake na ng mga Hapon ang Maynila.”

“Digmaan?”

“Gusto tayong sakupin ng mga Hapon.”

Nadaanan ng mag-ama si Ka Turing na nakikinig ng radyo sa labas ng kanyang bahay.

“Ka Turing ano na po ang nangyayari?” ang tanong ng kanyang Tatay.

“Ang sabi-sabi papalapit na raw dito ang mga hapon.”

“Si Elias, wala po ba kayong balita sa inyong anak? Isinama siya ng mga Amerikano di po ba?” ang tanong ni Mang Jose.

Napabuntong hininga si Ka Turing, nangingilid ang mga luha sa mata at tiningala ang pulang parol na sinabit sa taas ng kanyang bintana.

Napansin ni Gabriel ang lungkot at pagod ni Ka Turing habang ibinabalita sa kanyang ama ang mga pangyayari at napatingala rin siya sa pulang parol na nakasabit sa may bintana ni Ka Turing. Gawa ito sa sa kawayan na binalutan ng pulang papel de hapon. May dalawang talampakan ang laki nito, ngunit wala itong buntot na nakalaylay sa dulo nito at kapansin-pansin ang kandilang nakasindi upang ilawan ang nakasabit na parol.

Nagpatuloy si Gabriel at ang kanyang ama sa paglalakad patungo sa simbahan. Walang ilaw sa buong bayan ng Infanta kaya matatanaw ang mga pulang parol at mga kandilang umiilaw sa baba nito. Napansin ni Gabriel na sa bawat bahay na kanilang madaanan ay may nakasabit na pulang parol at nakailaw na kandila.

“Tatay bakit po may parol?”

"Di ba natatandaan mo yung kwento sa iyo ng Inay mo tungkol sa Diyos na isinilang sa sabsaban? Di ba may isang bituin na lumiwanag para gabayan ang tatlong hari.”

“Eh, Tay bakit po kulay pula ang parol na nakasabit sa bahay nila?”

“Inaalala nila ang kanilang anak na lalaki na sumama sa digmaan sa Maynila. Tanda iyan na nagpadala sila ng anak na lalaki sa digmaan.”

“Eh bakit po may nakasindi na kandila?”

“Nagbabakasakali rin silang babalik ang kanilang anak at gabayan sila ng ilaw.”

Tiningnan ni Gabriel ang bawat bahay na madaanan nila at binilang ang mga mga parol na nakasabit. Sa isang bahay may tatlong parol, ibig sabihin may tatlo silang anak na lalaki na pinadala sa digmaan. Sa isang bahay ay lima, doon sa isa apat. At sa bahay ni Aling Conchita may isang parol at kandilang nakailaw. Laking gulat ni Gabriel nang maalala niya.

“Si Kuya Julio! ‘Tay si Kuya Julio! Sumama rin ba siya sa digmaan? Hindi pa siya bumabalik?”

Tumango ang kanyang Tatay. Pawang katahimikan lamang ang kanyang isinagot. Si Juilo ang tumatayong kuya ni Gabriel. Magkasama sila kapag hindi nagtatrabaho si Julio sa bukid, nagpapalipad sila ng saranggola, namimitas sa punong mangga at naliligo sa ilog.

“Ang Kuya Julio ko...” napatigil si Gabriel sa paglalakad at umiyak. Kinarga siya ng kanyang Tatay at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa simbahan. Walang magawa si Mang Jose, niyakap na lamang niya ang kanyang anak nang mahigpit.

Nalungkot si Gabriel. Noon lamang niya naunawaan ang nangyayari sa kanyang paligid. Tumigil siya sa pag-iyak habang tinatanaw pa rin niya ang mga parol sa mga bahay na madaanan nila. Papalapit na sila sa simbahan nang marinig ni Gabriel ang malumanay na awit na nagmumula sa loob ng simbahan. Sinasariwa ng awitin ang katahimikan noong unang Pasko at waring nag-iimbita na kahit paano’y na alalahanin ang ipinagdiriwang noong araw na iyon. Napatingin sa langit si Gabriel, nang mapansin niya ang kakaibang kutitap ng isang bituin. Iyon na yata ang pinakamalaking bituin na maaaninag sa langit. Isang bituin na kikislap-kislap na kulay pula.

“Tatay... Tatay! Tingnan nyo po! Sa langit, parang may parol po o!”

Napatingala si Mang Jose sa langit at tinignan ang butuin na sinasabi ni Gabriel. Hinaplos ang kanyang anak sa ulo at napangiti. Sinabi ni Mang Jose sa sarili “Oo anak... pati ang Diyos nagpadala ng kanyang kaisa-isang anak sa digmaan.”

Ngumiti si Gabriel sa kanyang Tatay at kasabay ng pagkalembang ng kampana, pumasok ang mag-ama sa simbahan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home