Friday, April 06, 2007

Mahal na Araw

May kinukubling kasinungalingan
ang mga hardin ng mundo.

Hindi mapagkakatiwalaan
ang masiglang pamumukadkad
ng mga punong-lila
nagkukulay kwaresma
sa kanilang mabigat na ganda.

Bawat bulaklak ay bintana
kung saan masisilip
ang mapupugay na pagpapaalam
ng mga magkasintahan.

Umaawit ang mga sanga: Oo!
Umaawit ang mga dahon: Umibig ka pa!
Tumitili ang mga bulaklak:
hindi maari.

Sino ang paniniwalaan
sa nagsasalungat na mga tinig?
Saang sulok matatagpuan
ang lihim na kaisahan?

Sa paanan ng punong-lila
nagtapatan tayo:
nangako ng kinabukasan
sa isa't-isa.
At naging bagong bulaklak
ang ating pagsinta.
Sumibol, bumuka,
binuksang bintana
kung saan nagpapaalam
ang mga magkasintahan
sa gitna ng kwaresma.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home