Saturday, February 14, 2009

Saranggola

Ako'y saranggolang
katha mo sa tingting at plastik
tangan mo sa kurdong
diniktan mo ng bubog.

Nilikha mo upang
ilarga't ilayo sa iyo.
Mas mabuting nasa langit
(nasa alanganin)
upang makita ng lahat
ang nais mo sa akin:
ang mapansin ng iba
pumadpad kung saan dapat.

Ngunit nakaliliyo sa itaas
habang sakal-sakal ako ng
kadenang bubog na natutunan kong tiisin
'pagkat ito lamang ang tanging
makapagdurugtong sa atin.

Ako'y hamak na saranggolang
katha mo sa tingting at plastik.
Konting ganda, konting halaga
ngunit patuloy na pinamamayagpag
kasama ang mga mas tikas
sa himpapawid.

Kung sa bagay
ayan lamang ako sa iyo
pagtanga't pag-ukid mong
aliping susunod sa amo.

Kahit mabali ang likod ko
ilalaban, kahit mahirap magtagumpay
ngunit sa maling igwas
ng iyong kamay...

Mapipigtas ang pising
minanhid ako
(ngunit pilit kinapitan)
Babagsak, sasaludsod sa lupa
una'y ulo
bali ang likod,
gula-gulanit ang katawan.

At sa aking kamatayan,
sa huling kamalayan
noon ko lang napag-isip-isip
di ka pala marunong
magpalipad ng saranggola.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home