Thursday, September 14, 2006

Krus ng Buhay

kapistahan ng Pagtatagumpay ng Krus (Triumph of the Cross)

Sa Lumang Liturhiya ng pagsamba sa Krus, ang paanyaya ng punong tagapagdiwang ay inaawit ng ganito: Masdan ninyo ang kahoy na Krus. Dito nakabayubay ang Mananakop ng mundo.

Ngayon ang kapistahan ng Pagtatagumpay ng Krus, sa araw na ito, ang krus na nasa sentro ng ating pagdiriwang, sa gitna ng araw na ito, naparito tayo upang sama-sama pa ring ipagdiwang ang isang bagay: ang Krus – ang kahoy na krus kung saan nabayubay ang Mananakop nating lahat. Ang krus ang ating minamasdan. Itong krus ang ating sinasamba.

Pero kahit saglit, maari kaya nating pagmunihan? Kapag ako ay inaanyahayang tingnan ang krus, ano nga ba ang aking napagmamasdan? Isang lalaking patay. Pinahirapan at saka pinatay. Isang katawang sunog ang balat sa tindi ng araw, isang katawang naglilibag sa alikabok, pawis at dugo, sugat-sugatan, bugbog ang laman. Isang taong namatay sa gitna ng pag-iisa at kalungkutan, sumisigaw, "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" Sa iba-ibang bersyon ng mga sinaunang teksto ni San Markos, ganito ang nasusulat: "Bakit mo ako binigyan ng kahihiyan?" "Bakit mo ako isinumpa?" At kung mapapansin ninyo, tumatawag siya, "Diyos ko, Diyos ko." Ang dati'y nakaugalian na niyang tawaging "Ama ko," ngayon ay tinatawag niya nang pormal, "Diyos ko." Para bang sa oras na iyon, kahit si Hesus ay nag-aalinlangan kung siya nga ba ay totoong anak ng Diyos na kanyang Ama.

May mas lulungkot pa ba? Na ikaw ay iwan sa pinakamatinding oras ng iyong pangangailangan ng isang pinagkatiwalaan mo ng buo mong buhay? Na ikaw ay ilagay sa kahihiyan sa harap ng maraming tao? Na ikaw ay isumpa, pabayaan? May sasakit pa ba sa tatlong oras na ikaw ay nakabayubay sa krus, pinagtatawanan, namamanglaw, nag-iisa, namatay na walang dumaramay, walang kasama?

Dalawang libong taon na, ang tao ay naghahanap ng sagot sa kung bakit si Hesus ay pinabayaan ng kanyang Diyos sa mga oras na iyon. Ngunit walang malinaw na sagot. Ang lahat ay nananatiling hiwaga. At lalo pang nagiging mahiwaga dahil, sa kabila ng walang malinaw na sagot, bilyong mga tao sa kasaysayan ang naniwala at patuloy na naniniwala sa kabanalan ng krus. At hindi ba ito nakapagtataka?

Ang buhay nga raw ay puno ng mga krus. Wala sa atin ang may gusto ng mga krus na papasanin, at araw-araw makikita natin ang ibat-ibang mukha ng krus sa buhay ng tao. Isang anak na sa kabila ng maraming pagmamahal na iyong ipinakita ay nalulong sa masamang gamot. Isang asawa, na sa kabila ng iyong katapatan, ay nagawa kang ipagpalit sa iba. Isang anak, na sa kabila ng ginastusan mo para makapagtapos ng pag-aaral ay mabubuntis lamang at sasama sa kung sinong lalaking ni hindi mo kilala. May mga tanong ang kapanahunan na hindi natin mahanapan ng sagot. Bakit kailangang masunog ang aming bahay o mawalan ng trabaho ang aking Tatay sa gitna ng aming kahirapan? Bakit ang aking nag-iisang anak pa ang kailangang magkaroon ng kanser? Bakit patuloy na namamatay ang maraming tao sa kahirapan at digmaan?

Sa pagsamba natin sa Krus, maimulat sana tayo sa katotohan na ang Diyos rin mismo ay nagpasan ng Krus ngunit napagtagumpayan. Nawa sa pagdampi ng ating mga labi sa krus na mahal, masagi rin natin ang kabanalang naghahari sa puso ng bawat isa sa atin. At harinawang iyon ang magbigay ng sagot sa pinakamalalim nating mga katanungan sa buhay. Sagot na mahahanapan lamang sa pinakamalalim nating katanungan sa buhay. Sagot na mahahanapan lamang sa pagmamasid natin sa Kristong nakabayubay. Sapagkat ito ang atin din namang karanasan. Ito ang iyo at aking karanasan. Sa titingin ako sa krus, hindi ba nakikita ko ay aking sarili? Nahihirapan at nagtatanong? Nalulungkot, nag-iisa. Madalas bigo at nagdurusa.

Ngunit Salamat! Salamat na lamang at sa puso ng ating pananampalataya ay isang Kristo na dumanas ng sarili kong karanasan sa buhay. Isang Kristo na nagwaring pinabayaan siya ng kanyang Diyos, oo, ngunit hinarap – nang buong giting - ang kanyang kamatayan para sa ating lahat. Iyan ang sinasabi ng Ebanghelyo. Iyan din naman ang sinasabi ng ating Kredo: Nagkatawang-tao siya upang ialay ang kaligtasan para sa ating lahat. Upang sa gayon ay hindi na tayo muli pang mag-isa. Upang sa gayon, magkaroon ka na ng karamay. Upang sa gayon sa tuwing titingin ka sa Krus at pagmamasdan iyon, hindi mo lang nakikita ang sarili mong paghihirap at pagdurusa, sapagkat iyon ay makasarili. Hindi mo lang nakikita na ikaw lamang ang nasasaktan, sapagkat hindi iyon totoo. Bagkus upang sa gayon, sa tuwing pagmamasdan mo ang Kahoy na Krus, nakikita mo ang sugat niya, kasama ng mga sugat mo. Napagmamasdan mo ang kahirapan niya, kaisa ng mga kahirapan mo. Tinitingnan mo ang pagdurusa niya, kaugnay ng mga pagdurusa mo. Iyon ang kahulugan ng pananahan ng Diyos. Iyon ang kahulugan na sabihing ang Krus ang dakilang tanda ng pag-ibig ng Diyos.

Mga kapatid, halina! Ating sambahin ang Kahoy na Krus, sapagkat dito'y nakabayubay ang ating Kaligtasan – si Kristo na Mananakop ng mundo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home