Sunday, December 10, 2006

Required Palitan

Napag-uusapan na man rin lang ang Pasko, mayroon tayong nakagawian na tradisyon na hanggang ngayon ay hindi ko maintindinhan. Ito yung “exchange gifts” hindi ito pagbibigayan ng regalo sa Pasko, kungdi ang “required na palitan” ng regalo lalo na pag Christmas party.

Naalala ko may Christmas party kami noong 4th year College na dapat worth P200 at ako naman dahil sa tinatamad last minute na lang ako bumili ng regalo, ballpen worth P199. langya, may utang pa ako sa reregaluhan ko ng piso. Gusto kong dagdagan, piso na lang nagkakaroon pa ako ng problema. Minsan naisip ko kung dadagdagan ko ang tinta ng isang guhit, pero wala namang magagawa noon, kahit ilagay ko pa ang tinta ng computer. Naging formula gift ko na yata dati ang ballpen (pero parker naman eh) o kahit na yung bugkus-bugkus na mabibili sa Divisoria.

Noong grade school naman ako, gusto ko makatanggap ng laruan. Pero minsan naglolokohan lang yata eh o nagkakadayaan. Langya, natanggap ko pa yung mga sando na parang pinamimigay sa mga nasunugan (at may bonus pang butas yun sa may tiyan) kasama ng sando ay isang kalahating suklay (yung pinutol na suklay. Oo! Pucha, halata pa nga yung pagkaputol eh.) Pero ako natuwa na rin… kasi ito lang yata yung natanggap ko na regalo na tumagal, kasi naman kalimitan ang natatanggap ko sa bunutan kung hindi Nips na naka box, ay chocnut, o curlytops na siya naman inuubos naming mga magkakapatid pag uwi ko.

Noong high school naman, naisipan ko mag regalo ng libro. Kahit alam ko na hindi nagbabasa talaga ng libro yung bibigyan ko (pero sana marunong na siya magbasa ngayon.) asar na asar sa akin yung kaklase ko, kasi ba naman bibili lang naman ako ng libro bakit pa naman si Dostoyevsky pa, alam ko naman daw hindi siya nakakabasa ng RUSSIAN! Natawa lang ako, dahil alam ko hindi niya binuklat ang loob. Pero ang mas nakakatawa ang natanggap ko ay isang bargain book na mabibili sa Recto. Bakit ko nalaman? Eh isang bundle eh, tapos halatang 1980’s pa ang pagka print. Doon ako hindi naniwala na “its better to give than to receive.” Kalimitan patas lang, “you receive what you give.”

Meron pang isa, yung monita-monito! Isa lang ang masasabi ko… MAGASTOS! Hindi ko alam kung saan talaga nanggaling ang tradisyong ito. Ano ba talaga ang relasyon nila sa bawat isa? Minsang gusto kong gawan ng kwento eh: na ang kaawa-awang si Monito na walang nagreregalo sa kanya tuwing pasko ay kinontrata si Monita para bigyan siya ng regalo sa pasko, at para inggitin ang iba na may regalo siya natanggap. Sasabihin ni Monito “pare, chick ang nagbigay sa akin niyan!” At ano ang binigay? Kalahating suklay! Kapareho na nito ang kris-kringle, na kahit ano wag lalampas sa pinag-usapang presyo… ngayon, something soft, bukas something smooth, sa susunod something smelly. Minsan hindi na lang sila bumibili, naghahanap na lang sila sa baul o yung mga hindi na nila talaga ginagamit. Tsk.. dahil dito nagiging masaya lang ay ang mga nagbebenta sa bangketa ng mga kalahating suklay at mga bargain books sa Recto.

Hayyy… Wat a lyp. Mas maganda sana kung makakatanggap ka ng regalo ngayong Pasko na hindi na walang kapalit, kahit ano basta galing sa puso. Next time na lang ang Christmas wish list ko. =)

2 Comments:

Blogger M said...

ako meron akong S.A.D. ang sad noh?

12:50 PM  
Blogger r a i m e n d o z a said...

hi m! maybe its a process that you have to take. i myself have undergone those too... it will soon pass m, believe me! meanwhile, we need to find something worthwhile. see you soon!

10:39 PM  

Post a Comment

<< Home