Sunday, December 03, 2006

Simpleng Hiling

(para kay Eldren)

Palagi kong naririnig ang kasabihang “ang Pasko ay para lamang sa mga bata” na habang tumatanda na, nawawalan ito ng kahulugan. Dahil sa dami ng alalahanin ng mga matatanda. Nariyan ang problema sa pera, gastos, aguinaldo, noche buena, regalo at kung anu-ano pa. Tanging ang mga bata lamang ang natutuwa tuwing sasapit ang pasko.

Noong ako’y nasa ikaapat na taon sa kolehiyo, tatlong taon na ang nakalilipas, nang ako’y magtanong tungkol sa kaluhugan ng Pasko para sa akin. Tila yata nawawala na ang kahulugan ng Pasko dahil sa aking mga problema sa pag-aaral, pamilya at maging sa pera. Minsan kung magbabasa ako ng mga peryodiko noong panahong iyon, naroon din ang patayan, ang digmaan sa Mindanao, mga larawan ng mga taong nagugugtom at mga squaters na walang masilungan. Tanong ko sa sarili, Ito nga ba ang kahulugan ng Pasko? Nararapat bang magdiwang ng Pasko o mananatiling insulto ito sa iba? Malaki ang epekto nito sa aking pananampalataya, hindi na ako nagsisimba o nagdarasal. Pakiramdam ko noon walang ginagawa ang Diyos at tahimik lamang niyang pinanonood ang tao.

Upang kahit paano maging makabuluhan ang aking Pasko, tumulong ako bilang isang volunteer sa Fe del Mundo Hospital sa kalye ng Banaue. Doon nag-alaga ako ng mga batang mga sakit na kanser. Nagtuturo din ako mga kanta, sayaw at binabasahan ko sila ng kwento upang kahit paano hindi sila mainip habang naghihintay sila ng Chemotheraphy. Nakaaawa ang mukha ng mga bata matapos nilang sumailalim sa Chemotheraphy. Lupaypay, pagod, hinihingal at nanghihina ang murang katawan nila sa hapdi ng kemikal na itinurok sa kanilang ugat. At sa loob ng ospital na iyon, nakilala ko ang batang si Eldren.

Si Eldren ay pitong taong gulang, matalino at gwapo. First honor siya noong grade 1 ngunit kailangan niyang tumigil sa pag-aaral dahilan sa ang palaging pagtulo ng dugo sa kanyang ilong. Lagi rin siyang nagkakaroon ng pasa, kahit na hawakan mo daw siya noon, magkakapasa na siya. Nagpasiya ang mga magulang niyang ipatingin siya sa doktor at ang resulta: leukemia. Hindi makapaniwala ang magulang ni Eldren, at dahil sa may kamahalan ang paggagamot nito, hindi nila kakayanin ang gastos kaya’t humingi sila ng tulong sa Foundation for L.I.F.E.(Luekemic Indigents Fund Endowment), isang organisasyong tumutulong sa mga mahihirap na pasyente upang maipagamot ang kanilang anak na may sakit na luekemia. Naging malapit ako kay Elren. Bago ako umuwi, lagi ko siyang dinalaw sa kanyang silid at babasahan ng isang kwento. Laging ganoon, hindi ko rin malilimutan ang kanyang bungisngis habang ginagaya ko ang boses ni Kiko Matsing.

Ika-16 ng Disyembre noon nang magkaroon ng Christmas Party ang Foundation for L.I.F.E., at lahat ng mga pasyenteng bata ay imbitado. At ako nama’y naatasang maging isang hurado para sa kanilang patimpalak. Masasayang tugtugin at nakaiindak na musika ang kanilang pinatugtog sa Bulwagang Fe del Mundo na nasa ibaba lamang ng ospital. Naroon ang lahat ng mga batang paseyente, ang iba sa kanila ay naka wheel chair at may takip na surgical mask ang kanilang ilong at bibig. Nakatutuwang pagmasdan ang mga bata habang sila’y sumasayaw, kumakanta at tumutula. Hindi rin mapigilan ang pagsigaw ng mga magulang sa tuwa na makita ang kanilang anak sa entablado. Palakpakan, hagikgikan at hiyawan ang tanging maririnig sa buong bulwagan. Ngunit parang may kulang, parang may nawawala ang sabi ko sa sarili

Wala si Eldren, hindi ko siya nakita sa baba. Nagtanong ako sa isang nurse kung nasaan siya, ang sabi lang sa akin hindi raw siya makakababa dahil nag re-relapse siya noong oras na iyon. Pinuntahan ko siya sa kanyang silid. Doon nakita ko siya nakahiga at namamaga ang buong katawan, nakaupo malapit sa kanya ay ang kanyang nanay.

“Kuya!” ang masaya niyang bati nang niya makita ako.

“O kamusta ka na?” ang bati kong bati sa kanya.

“Eto po, medyo hinihingal... kuya, Merry Christmas po!”

“Merry Christmas din! Bakit naman ako binabati agad. Babalik pa naman ako sa Pasko tapos lalabas tayo di ba?”

“Baka po kasi umalis kayo agad.” Ang malungkot na sinagot niya.

“Hindi, pwede ba iyon? Hindi ako dadaan sa baby ko?

“Kuya basahan mo ako ng kwento!” ang malambing niyang hiling.

Kinuha ko ang isang libro na ibinigay ko sa kanya. Inilagay niya iyon malapit sa kanyang ulunan. Nagsimula kong basahin ang kwento sa kanya at labis ang kanyang ngiti ngunit napansin kong mabilis ang kanyang paghinga. Nang matapos ang aking kwento, hinawakan niya ang aking kamay. Yumuko ako at niyakap ko siya.

“O ano bang wish mo ngayong Pasko?” ang masaya kong tanong sa kanya.

“Sana po gumaling na po ako ang lahat ng batang narito po sa ospital ngayon.”

Napangiti ako sa sagot ni Eldren. Hindi ako makapaniwalang sasabihin ng isang pitong taong gulang na iyon. Punong-puno ang mukha niya ng pag-asa na matutupad ang kanyang hiling sa pasko.

“At sana po... para po sa inyo kuya, sana maging maayos ang lahat. Sana pagdasal mo rin ako ha!” sabay ngiti sa akin ni Eldren.

Natatawa ako sa kanyang Christmas wish, dahil sa matagal na rin akong hindi nakakapagdasal, parang pinapaalalahannan niya ako. At ngayon hinihiling niyang ipagdasal ko siya.

“Ano pa ang hiling mo?” ang makulit kong pag-usisa.

“Hmmm... wala na po siguro. Ah! Sana po matupad ang mga wish ko!” ang masigla niyang sagot.

“Kuya babalik ka ha!” ang malambing niyang hiling.

“Syempre naman! Gusto mo pagbalik ko dalhan kita ng pagkain, lobo at regalo?”

“Sige po kuya! Kuya... salamat po ng marami ha!” sabay ngiti niya sa akin. Kinandatan ko siya at lumabas sa kanyang silid.

Nagpatuloy ang aming programa sa baba. Tuloy pa rin ang halakhakan at sayawan at kantahan. Nalibang ako sa panonood, makalipas ang isang oras, naalala ko na ang hiling ni Eldren. Kumuha ako ng pagkain sa la mesa, kinuha ko rin ang pulang lobo na nakatali sa isang upuan at isang regalong pinamimigay sa mga pasyente. Dali-dali akong umakyat patungo sa silid ni Eldren. Dinig na dinig pa rin ang halakhakan sa ibaba. Sinalubong ako ng isang nurse na nagmamadaling tumatawag ng doktor. Nakita ko ang nanay ni Eldren sa may nurse station humahagulgol sa pag-iyak.

“Anong nangyari?” ang tanong ko sa nanay ni Eldren.

“Wala na po siya... wala na si Eldren...”

Nabitawan ko ang dala-dala kong pagkain, lobo at regalo. Dali-dali akong tumakbo sa silid ni Eldren. Nakita ko ang doktor na umiiling at nakatingin sa hindi gumagalaw na si Eldren. Hindi ko napigilan na umiyak. Kanina lamang kausap ko siya. Kanina lamang kalaro ko siya. Sa aking pagbalik, isang oras lamang ang nakalilipas namatay na siya.

Tulala akong lumabas ng silid. Dinig na dinig ko pa rin ang masasayang hiyawan sa labas at sa aking kinatatayuan isang bata ang namatay. Nagpunta ako sa maliit na kapilya ng ospital, umupo. Naghahanap ako ng kasagutan sa aking mga tanong sa taong nakabayubay sa krus. Gusto ko siyang sigawan at sabihin “ito ba ang ibig sabihin ng Pasko Mo?”.

Sa aking paghikbi, nabaling ang aking tingin sa isang maliit na belen, sa isang sanggol na ipinanganak sa sabsaban. Naalala ko ang mga hiling ni Eldren. Ang mukha niyang nag-aasam na gumaling ang mga bata pati na rin siya. Naiyak ako sa mga sinabi niya. Noong mga oras na iyon ko naintindihan kung ang mga pangyayari. Ngayon wala na siya, alam kong hindi na siya maghihirap. Ngayon na nasa langit na siya, natupad na ang kanyang hiling. Ito na yung pag-asa niyang magiging maayos din ang lahat. Isang bata ang humiling ng isang simpleng bagay. Dahan-dahan akong lumuhod at sa unang pagkakataon muli akong nagdasal, sa pagkakataong ito natupad ang kanyang pangalawang hiling.

Katulad ng batang isinilang sa sabsaban na mag-uugnay sa tao at sa Diyos, at magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan, si Eldren na kailangan mamatay upang maibalik sa akin ang isang pananampalatayang matagal na nawala.

(Unang Gantimpala, Sanaysay 2004)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home