Monday, January 15, 2007

Ang Lihim kong Mundo

Isang kaibigan ang nagparinig nito kantang ito sa akin. Sarili niyang gawa at inawit ng mga dating kalahok sa Philippine Idol. Siguro nga magkahawig ang mga kwento namin sa buhay, kaya rin niya ipinarinig sa akin ito.

May ilang mga bagay alam nating kailanman hindi mapapasa atin, kaya't lumilikha tayo ng isang mundo na kung saan ang mga panaginip ay waring nagiging totoo. Isang lihim na lugar na tanging puso lamang ang nakakaalam. Doon sa paraisong iyon napagmamasdan ang kanyang ngiti. Doon sa paraisong iyon na tigib ng pag-asa, pinakikingan ang mga himig ng pagsamo. Walang mga mapaghusgang mga mata, walang mga pangamba, walang pagtatago at walang pag-aalala.

Ngunit alam at mulat din na tanging hanggang doon na lamang. Magigising sa panaginip, at ang tanging maiiwan ay ang mga bakas na ng alaala ng paraiso na kung saan minsan kayo ay nagkasama. Kaya't pagkatapos ng lahat, pagmamasdan ang unti-unting pagkawala at pagkawasak ng larawang kinunan lamang ng isipan at pilit na babalikan sa mga oras ng pag-iisa.
Doon sa isang lihim na paraiso kung saan nagiging totoo ang lahat.
Doon sa isang lihim na mundong iyon, na tanging puso lamang ang nakakaalam.


[pakinggan ang awit]


Sa Lihim kong Paraiso

Aking iguguhit ang kagandahan mo
sa nilikha kong paraiso
aking kukulayan ng pag-ibig sa iyo
at iuukit sa gitna ng puso ko

aking isusulat sa mga katha
tauhan ka ng pangarap
sasama ka saan ko man naisin
dahil niloob ko na ako’y iyong mahalin

dito lang kasi sa lihim kong mundo
dito lang kasi sa aking paraiso
pinakikingan ang aking sumamo

matapos iguhit ang kagandahan mo
iluluha nang pagkaguho nito
palit aawitin sa bawat umaga
na larawan ka lang sa paraiso
ang lihim kong mundo

dito lang kasi sa lihim kong mundo
dito lang kasi sa aking paraiso
pinakikingan ang aking sumamo

matapos iguhit ang kagandahan mo
iluluha nang pagkaguho nito
palit aawitin sa bawat umaga
na larawan ka lang sa paraiso

sa paraiso
ang lihim kong mundo...

0 Comments:

Post a Comment

<< Home