Thursday, December 21, 2006

Olinay

(I started to write again and I hope the muse of writing is here to stay. Somehow, this is my diversion from my synthesis paper. This story was inspired by two kids in Payatas as they share vividly thier experience of a Christmas past. I weaved thier story together to show some Children's view on Christmas)


Nakaharang ang mga barikada na yari sa dos-por-dos at mga barb-wire sa daan patungo sa mga nakatayong bahay ng Barangay Lupang Pangako. May nakaabang na kautusan mula sa korte at kailangan daw agad lisanin ng mga iskwater ang lupain na kinatitirikan ng mga bahay nila. Ang sabi naman ng mga maninirahan, hindi man lang daw sila sinabihan at binigyan ng palugit. Apat na araw bago mag Pasko noong araw na iyon, sana man lang rin daw ay palipasin ang Pasko bago tuluyang gibain ang kanilang mga barong-barong. Ngunit bigo silang ipaabot ito sa may ari. Kaya ang buong baranggay ay nag-aabang sa pagdating ng demolition team, kahit na mag aalas otso pa ng gabi. Nais nilang harangin at pigilan ang demolition team sa pagbaklas ng kanilang mga bahay. Dahil anumang oras ay alam nilang pwede silang mawalan ng tahanan.

Walang kamuwang-kuwang ang limang taon na si Rina sa mga nangyayari sa paligid niya. Noong gabing iyon, tumungo siya sa isang mataas na tambak ng lupa upang makapaglaro. Doon sa tambakan na iyon, kitang-kita ang buong Baranggay, doon tumutungo si Rina nang utusan siya ng kanyang tatay na maglaro muna sa labas. Habang paakyat ng tuktok, napansin ni Rina ang isang bata na rin na naroon at nakaupo at tahimik na pinagmamasdan ang buong baranggay. Siya si Jose, isang pitong taong gulang na anak ng isang dyanitor. Pinapunta siya ng Tatay niya sa bundok upang makaiwas sa anumang gulo na maaring mangyari anumang oras.

Tahimik na nakaupo si Jose nang mapansin niya si Rina na palapit. Si Rina naman ay inosenteng umaawit ng kanta na napanood niya kaninang tanghali.

“Boom-tarat-tarat! Boom-tarat-tarat! Tararat-tararat, BOOM BOOM BOOM!”

“Shhhhh!!!! Wag kang maingay!” ang sabi ni Jose kay Rina.

Napatigil si Rina sa pagkanta. Maya-maya naman ay nagsimula ulit siyang kumanta.

“Boom-tarat-tarat! Boom-tarat-tara…”

“WAG KANG MAINGAY SABI EH!” ang pasigaw na sagot ni Jose.

“Eh bakit ba?” ang sabi ni Rina.

“Hindi mo ba alam kung ano ang nangyayari sa baba?” nayayamot na sagot ni Jose.

“Hmmm…. Ano ba ang nangyayari?”

Natigilan si Rina sa pag-awit, tinignan niya ang buong baranggay. Nakita niya na maraming tao na nag aabang malapit sa may barikada at may dala na pamalo, at mga bote at bato. Umupo siya sa tabi ni Jose

“Sino bang darating” ang tanong ni Rina.

“Hindi mo ba alam? Mawawalan na tayo ng bahay.”

“Huh? Bakit? Bakit nila kukunin ang bahay natin?”

“Hindi ang bahay natin ang kukunin sa atin, ang lupa. Sabi ng tatay ko may ibang nagmamay ari ng lupa ng mga bahay natin. Ngayon pinapaalis na tayo.”

Tumayo si Jose sa pagkakaupo. Habang si Rina ay pinagmamasdan ang mga tao sa kanilang baranggay.

“Kita mo ba yun?” sabi ni Jose na itunuturo ang kanilang bahay. Yari lamang iyon sa pinagtagpi-tagping pawid at bubong.

“Kila Mang Syano? Iyon ba?” ang sagot ni Rina.

“Oo, tatay ko si Mang Syano. Alam mo ba, ang saya-saya namin sa bahay. Kasi naman si tatay eh, lagi kaming pinapasalubungan ng pancit. At sa bertday ko nga sabi niya may ibibigay daw siya sa akin.”

“Ano ang nibibigay niya sayo?” ang tanong ni Rina, na waring sabik na sabik.

“Bagong gamit sa eskwela. Mga makukulay na lapis. Iyon kasi gusto ko. Gusto ko kasi mag drowing!” ang sabik na sagot ni Jose. “kaya lang…”

“Kaya lang ano?” ang tanong ni Rina.

“Sabi ni tatay, baka hindi raw matuloy, kasi kailangan namin ng pera panlipat ng bahay.”

Biglang nanging matamlay ang mukha ni Jose at parang nanghihinayang.

“Kailan ba ang bertday mo?” ang tanong ni Rina.

“Apat na araw mula ngayon, sa bisperas ng Pasko.”

“Talaga?” Tumayo si Rina sa pagkakaupo. Lumunok at huminga ng malalim. “hapibertday tu yu, hapibertday tu yu , hapibertday hapi bertday… hapi bertday tu yu!” at pumalakpak si Rina pagkatapos umawit.

“Salamat” bahagyang na ngiti si Jose.

“Bakit parang malungkot ka pa?”

“Kasi hindi ko alam kung dito pa ako magbe-bertday o hindi na.”

Tumahimik sila ng ilang sandali. Sa sandaling iyon, batid ni Jose na unumang oras pwede silang mawala sa baranggay na iyon. Nilapitan ni Rina si Jose, at may itunuturong bahay.

“Sa amin naman, iyon ang bahay namin. Yung may kwismas layt. Sabi ng tatay ko, akodaw ang princesa sa munting palasyo namin.”

“Tatay mo si Mang Elyas and pangulo ng nanirahan dito?

“Hmmm… oo! Kilala mo siya?
”Lagi kasing kausap ng tatay mo ang tatay mo eh.
May pinaplano sila. Hindi ko alam kung ano. Pero sabi nila tungkol daw ito sa baranggay.”

“Oo, nga eh. Yung tatay mo lagi sa bahay namin. Palagi niya ako ako nipapakanta eh.”

“Ganoon talaga si tatay. Pag nasa bahay kami, lagi rin kaming nagkakantahan. Lalo na ng mga kantang pamasko.”
”Ang saya ninyo siguro no?” Ang tanong ni Rina.

“Hmmm… medyo. Siguro. Mas masaya yan pagkumpleto siguro kami. Lalo na ngayong pasko at bertday ko.” Wala na kasi ang nanay ni Jose. Namayapa na ito noong dalawang taon pa lang siya. Habang ang kuya niya ay naninilbihan sa isang bahay sa Las Pinas.

Natahimik ang dalawa. Napagod sa kakatayo at umupo na muli sa isang plywood. Sabay nilang tinitignan ang mga bituwin sa langit na parang kapareho ng mga kristmas lights sa kanilang baranggay.

“Ikaw? Ano ang ginagawa ninyo sa pasko?” tanong ni Jose.

“Hmm… si nanay, naghahanda ng pancit at bibingka. Kaya nga gusto ko nang mag pasko eh! Sabi ni nanay bibigyan daw niya ako ng bagong barbidal, yung manika! Gustong-gusto ko magkaroon ng bagong manika eh.”

Buti ka pa, may manika na…”

Biglang natigilan ang dalawa nang may marinig na kaguluhan sa ibaba. Biglang napatayo silang dalawa. Isang grupo ng mga kalalakihan na may dalang mga bakal na pambunot ng pako at martilyo na ibinaba ng isang malaking trak. Nang mapansin ng mga tao iyon, nagkagulo sila na pumunta sa harapan na malapit sa barikada. Pagkatapos ay dumating naman ang isang trak at bumaba ang isang batalyon ng pulis na may mga panangga at mga helmet.

“Anong nangyayari?” ang tanong ni Rina.
“Nariyan na ang demolisyon, gigibain na nila ang bahay natin!” ang sagot ni Jose.

Maya-maya’y nagkagulo ang mga tao sa ibaba. Nagsisigawan ng “MGA KASAMA! NARIYAN NA SILA! WAG HAYAAN SILANG MAKAPASOK!!!” Hindi nagpatinag ang mga pulis at demolition team. Unti-unti silang lumapit sa barikada. Nang malapit sila nag liparan ang mga bote, at pillbox. Nagtakbuhan ang mga tao, nagkagulo. Sabay nagpaputok ng mga baril ang mga pulis. Umalingaw-ngaw ito sa buong baranggay.

Takot-takot si Rina, at yumakap kay Jose.

"Kuya, natatakot ako…”
”Shhh... dito lang tayo. Hindi tayo maano.”

Nagsimulang magtakbuhan ang mga taga Lupang Pangako. Habang ang demolition team ay sumugod sa mga kabahayan at dagli-dagling binakalas ang mga bahay na malapit sa kanila. Naghabulan ang mga pulis ang mga taga lupang pangako, nagpaputok muli ng mga baril sa itaas. At ilang minuto pa ay may maraming hinuling mga kalalakihan na siya raw nagsimula ng gulo. Isang lalaki ang patuloy na sumisigaw pa rin “HINDI NILA TAYO PWEDENG PAALISIN! HINDI PWEDE!!!!”

“Sino yun?” ang tanong ni Rina. Hindi umimik si Jose, dahil alam niya kung sino ang nahuli.
Pinakinggan muli nilang dalawa ang sigaw ng lalaking iyon.

“Kilala ko iyon… parang si… si TATAY! SI TATAY!”

Tatakbo sana si Rina patungo sa ibaba, pero natatakot siya, niyakap na lang niya si Jose ng mahigpit at umiyak.

“TATAY!!! TATAY!!! WAG NINYO HUHULIHIN ANG TATAY KOOOO!!!!” at umiyak ng malakas si Rina.

Niyakap ni Jose si Rina. Habang patuloy ang pagigiba ng mga bahay sa Lupang Pangako. Wala nang magawa ang mga taga-roon kungdi pagmasdan ang demolition team na baklasin ang kani-kanilang mga bahay.

“Tatay…tatay ko… saan nila dadalhin si tatay… huhuhuhu” patuloy sa paghagulgol ang batang si Rina.
“Tahan na… tahan na…” ang malumanay na sagot ni Jose.

Maya-maya’y nagsimulang umawit si Jose.

“Ow olinay dastarsarbrayli shaynin
Itish danay op owwar deyrsaybyors bert
Longlay daworl in sineneror payning
Tilhe apird enda ispiritel itswor.”

Dahan-dahan tumigil si Rina sa pag-iyak. Pinakikingan niya ang malamyos na tinig ni Jose. Parang ipinaghehele siya ng awit ni Jose.

“pol lonyorneees, owearrr da eygelsboyses
Ow nighhay dibayn, oooow nay wenkrayst wasbor
Owww nay dibayyyy hayn, ohonay… o nay dibayn.”

Nagpunas ng luha si Rina. Nagustuhan yata ang kanta ni Jose.

“Ano yang nikakanta mo?” ang tanong ni Rina.

“Hindi ko alam, ingles kasi eh. Turo lang sa akin ng tatay ko, kinakanta niya sa akin paghindi ako makatulog.”

“Tungkol saan yan?”

“Tungkol daw sa gabi na ipinanganak ang Diyos. Si Dyisus”
”Si Dyisus? Ipinanganak? Saan?” ang tanong ni Rina.

“Si Dyisus? Sabi ni tatay, katulad daw ng lugar natin ipinanganak si Dyisus. Kasi mahirap din siya, para din daw bahay natin tapos may mga hayop din sa loob ng bahay. Sabi ng tatay ko siya daw ang manliligtas. Ililigtas niya daw tayo lahat. At sabi ni tatay, darating ulit siya at pagdumating daw siya doon makakaroon daw tayo ng kapayapaan.”

“Kailan ba daw siya darating ulit?”

“Hindi ko rin alam eh. Pero sabi ng tatay ko, dumating na daw siya, pero hindi lang daw natin alam. Siya daw ang dahilan kung bakit may Pasko.”

Tumutulo ang luha ni Rina habang nagsasalita si Jose. Naalala niya kasi ang Tatay niyang hinuli ng pulis kanina lamang.

“Sabi ng tatay ko, noong dumating daw siya, tahimik ang lahat. Walang daw gulo. Walang nag-aaway. Ayun daw talaga ang pasko.”

“Sana dumating na siya ngayon.” Muling humikbi si Rina

“Wag daw tayong mag-alala” ang malambing nasabi ni Jose. “Ang palaging sabi sa akin ni tatay palagi daw natin siyang kasama. Kaya tahan na... baka nga dumating na siya anumang oras.”

Tahimik na umupo ang dalawa. May luha pa rin na tumutulo sa mga mata ni Rina. Ihinihiga ni Rina ang kanyang ulo sa kanlungan ni Jose. Pinagmamasdan nila ang mga bahay sa Baranggay Lupang Pangako at isa-isa itong nawawala. Muling inawit ni Jose ang kanyang kanta habang sinusuklay ng kanyang mga kamay ang buhok ni Rina na nakahiga sa kanyang kanlungan.

“Ow olinay dastarsarbrayli shaynin
Itish danay op owwar deyrsaybyors bert
Longlay daworl in sineneror payning
Tilhe apird enda ispiritel itswor”

“pol lonyorneeees, ow earrrr da eygelsboyses
Ow nighhay dibayn, oooow nay wenkrayst wasbor
Owww nay dibayyyy hayn, ohonay… o nay dibayn.”

Ilang sandali lamang nakatulog si Rina sa kanlungan ni Jose. Sa gitna ng kaguluhan at mga ingay isang katahimikan ang nadama ng dalawang bata. Katulad ng katahimikang banal na naganap noong paskong una.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home