May kumakalat na sakit ngayon, at makukha ito sa hangin, lalo pag magpapasko. Nakukuha rin ito sa pakikinig, lalo pag narinig mo yung “Pasko na Sinta ko” o kaya “Miss kita pag Christmas” at marami pang iba. Oo, kumakalat siya ngayon. At anumang oras pwede kang magkaroon nito.
Ito yung ang tinatawag naming S.A.D. virus, ang totoo kami lang ang nagpauso nito (sa novitiate pa). Kahapon kasi nagkukuwentuhan kami at tinanong ako ng isang kabigan, kung nararamdaman ko na daw ang pasko. Sa kanya daw parang may kulang, dahil wala pa daw siyang boyfriend. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang ikabit ang Pasko sa isang boyfriend/girlfriend. At nagsimula siya ng litanya ng mga nakaraang Pasko kahit na paulit-ulit lang ang kwento niya taon-taon. At ayun na… makikita mo na may SAD virus na siya. SAD o Seasonal Affective Dissorder (kasi tuwing pasko ito umaatake). Eto yung maalala mo yung mga mahal mo sa buhay, o isang minamahal lalo na yung mga ginagawa ninyo sa Pasko. Ang noche buena, ang simbang gabi, pati na yung simpleng pamimili ng mga regalo o mga kantang pinapatugtog ninyo tuwing Pasko.
Naging mas matingkad ito sa akin noong nakaraang tatlong taon. Naman… malayo ako noon sa pamilya. O kaya naman may magpapaalala sayo ng isang tao na wala na dito, yung tipo bang nang-iinggit. Tapos maririnig mo yung mga kanta na may nakakabit na alaala. Ouch!
Habang nakukwentuhan kami ng kaibigan ko. Napansin ko naman na hindi ako ganoon ka apektado ngayong taon. O sa palagay ko may nakuha akong gamot na pwedeng ipanglaban sa SAD. Sabi ko sa kanya… “learn to let go, and start a new Christmas this year.” Hindi ko alam kung gets niya, pero minsan nasa atin lang naman yung kakayahan kung paano magiging masaya at makahulugan ang Pasko natin. Kasi naman bakit kailangan pang nakadepende ang kaligayahan natin sa ibang tao. Depende na lang din kasi ito sa depinisyon natin ng “Pasko”, sa akin siguro ngayong taon mas naghahanap ako kasi ng mas malalim na kahulugan.
At sa paghahanap ng kahulugan na iyon, marami ring pwedeng gawin. Ngayong taon, liban sa Synthesis Paper na ginagawa ko ngayon na kailangan sa Comprehensives na due sa 20th at Simabang gabi araw-araw (at twice a day para sa akin: Isa sa Gesu, at sa madaling araw sa Payatas, sa Montalban at iba pang apostolate area kung saan naimbitahan magbigay ng homilya) nagpaplano rin akong pumunta ng Bicol para sa clearing operations sa mga nasalanta ng bagyo, at kasabay noon pagtulong sa paggawa ng kanilang bahay. Meron din ako sa CRIBS, eto yung bahay ampunan ng mga iniwan na sanggol. Parent for a day. Mag-aalalaga ng mga bata, at mamasyal. Tapos dadalaw rin ako sa Gabaldon para magdala ng mga goods doon. At syempre uwi rin ng isang araw sa pamilya ko sa Maynila.
Kung pagtutuunan lang natin ang sarili (mga sakit, pait at alaala) , hindi talaga tayo magiging maligaya o magiging makahulugan ang Pasko para sa atin. Meron din naman akong nami-miss na tao pero isang desisyon din ang iwanan ang mga issues sa buhay at imulat ang mga mata sa isang mas malaking katotohanan. Dahil kung titingin tayo sa labas, mas maraming tao ang mas malalim na dahilan para hindi magpasko (hindi dahil sa wala silang boyfriend). Ang kailangan natin ay ipakita at ipadama sa kanila ang totoong ibig sabihin ng Pasko. Para sa akin, nakakuha ako ng kahulugan sa pagbibigay at pagpapasaya ng ibang tao at sa mga bata sa simpleng makakaya ko.
Nakahanap nga ako ng gamot sa SAD virus, pero linsyak... kailangan ko naman humanap ng gamot sa lagnat, ubo at sipon na meron ako ngayon. hahaha!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home