Isang Tao para sa Ibang Tao
(pagninilay sa Huwebes Santo)
Paano nga ba ang maglingkod? Paano nga ba ang maglaan ng buhay para sa iba? Kanina habang pinapanood ko ang muling pagsasadula ng paghugas ng paa ng mga alagad sa misa ngayon araw, ito ang nangibabaw sa akin. Isang pagsasalarawan kung paano nga ba talaga ang maglingkod. Hindi ko rin kasi alam kung kulang pa ang aking ginagawa. Pero kanina sa misa, naramdaman ko ang isang pagkapagod. Minsan pala nakakapagod ang maglingkod, minsan din nakakapagod ang magmahal. Sa araw na ito, ipinapakita lang sa akin siguro ang isang paraan ng paglilingkod at pagmamahal.
To be a man for others. Ang ilaan ang sarili para sa kapwa-tao ay di nalalayo sa tema ng ating pagdiriwang ng mga Mahal na Araw, anupa’t sa liturhiya natin sa gabing ito. May larawan pa bang higit na gaganda? Sa larawan ng isang Diyos, isang haring yumuyukod na parang alipin, lumuluhod sa lupa upang hugasan ang ating nagpuputik na mga paa na simbolo ng ating kadustaan. Sa mga sulat ni
Ang pag-ibig ay hindi lang tumutukoy sa mga relasyon. May pag-ibig din sa gawain mo araw-araw; may pag-ibig kasama ng aking trabaho; may pag-ibig kaakibat ng aking panunungkulan at pagtitiyaga sa aking mga responsibilidad.
Minsan, dumalo ako sa 40 taong anibersaryo ng kasal ng mga magulang ng isang kaibigan na parang magulang ko na rin. Tinatanong ko ang Nanay niya, “Nay, ano ba ang nararamdaman ng isang nagdiriwang ng 40 taon ng kasal? Masaya ba?” “Masayaaa?!” sagot niya, “Hindi ko alam! Kaninang umaga nagising ako at tinitingnan ko ang Tatay mo. Kulubot na ang mukha, amoy tabako, wala nang ngipin at wala na ring buhok. Itinatanong ko sa sarili ko, “Bakit nga ba ang lalaking ito ang aking pinakasalan?” Alam kong nagbibiro siya. Pero ang sinasabi yata niya ay ito: Paglipas ng 40 taon, anumang damdamin ay nababago at kumukupas. Kung ikaw ang tao na ibinabase ang pag-ibig sa mga damdaming naglalaho at nababago, darating ang panahon na ikaw ay kukupasan din ng pag-ibig – kukupasan ka rin ng pagmamahal. Pero ang tunay na pag-ibig ay matibay at nanatili. Kung gayon, ang pag-ibig ay di nakabatay sa pandama. Ito’y isang paninindigan - pagtataya, isang mulat na pagpili ng nakabubuti para sa iba, pagpaparaya ng sarili, taimtim na pag-asa, at ang matiyagang paggawa ng tungkulin at gawain araw-araw.
Palagay ko, ito ang kakulangan sa maraming naglilingkod sa ating lipunan: isang pag-unawa ng Kristiyanong pagmamahal. Marami sa kanila ay naghahanap lang ng sarap ng damdamin kapag pinupuri na sila ng kanilang mga tagahanga. Umaasa lang sa sarap na ibinibigay ng kapangyarihan. Naghihintay lang ng layaw ng buhay na tinatamasa ng nakaupo sa panunungkulan. Marami sa kanila ay nabubulagan sa kung ano ba ang tunay na kahulugan ng paglilingkuran.
Sa gabing ito, narinig nating winika ni Hesus sa Ebanghelyo matapos hugasan ang mga paa ng kanyang mga apostoles: Binigyan ko kayo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo…Kayo man ay dapat maghugasan ng paa ng isa’t-isa. Ilang taludtod pa ng Ebanghelyo ni Juan, idinurugtong niya: Ito ang atas ko: Magmahalan kayo. Itinuturo sa atin ni Kristo ang malalim na kahulugan ng isang pagmamahal na ang kahulugan ay paglilingkod. Isang pag-ibig na handang itaya ang sarili para sa iba.
Ngunit bukod sa usaping iyon, sa gabing ito, bakit hindi rin natin itanong sa ating mga sarili ang kahalintulad na tanong “Ano nga ba ang isang maigsing buhay sa lupa kung ihahalintulad sa buhay na walang hanggan sa kabila?” Sa isang tunay na nagpapakasakit para sa iba at nagmamahal, may karangalang naghihintay sa kabila. At iyon ang pangako: ang buhay na walang hanggan kapiling ng Diyos.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home