Tuesday, September 19, 2006

Alaala ng Pagkabata

Hindi ba't nakakatuwa pag nakakita ka ng mga bagay na magpapaalala sayo ng mga ginagawa mo noong ikaw ay bata? Masarap maging bata, yung tipong wala kang aalalahaning problema, yung wala kang gagawing importante, hindi mo aalalahanin na may babayaran kang kuryente, tubig at telepono. Wala kang deadline sa mga school projects, reports, recitation at thesis. Bawat isa sa atin ngayon (lalo ngayong malalaki na tayo) gustong maging bata muli, pero para sa akin mas gusto kong balikan yung mga larong pambata. Nakuha ko ito galing kay Bob Ong, hindi ko siya kilala... pero pakiramdamdam ko magkasing edad kami... pareho kami ng alaala ng mga larong pambata. Halos lahat kasi sa mga nabanggit niya ay nagawa at nalaro ko na, kaya't minsan masarap magreview ng mga alaala ng pagkabata katulad na lamang ng mga larong pambata.

Pagkagaling kasi dati sa eskwelahan, libre na kami para maglaro buong araw. Hindi tulad ng mga bata ngayon, mas stressedout pa sila sa matatanda dahil sa mga naka-schedule na academic subjects review, piano lesson, computer tutorial, ballet class, basketball training, painting session, at marami pang iba.

Simple lang ang buhay noong araw. Simple lang ang konsepto ng mga bata sa salitang "paglilibang". Solb na sila sa traditional games. Naaalala mo pa ba ang tumbang preso? E yung taguang bato, agawang panyo, takip silim, luksong lubid, hilahang lubid, chinese garter, jackstones, trumpo, saranggola, softball, sipa, siyatong, piko, basagan ng sigay, at sungka? Lahat ng mga larong 'to e nangangailangan ng equipments or materials. Pero no problemo, mga mura lang 'to, at karamihan e bagay na pwede mong makita sa basurahan o bodega n'yo.

Meron ding mga mas matipid na alternatives, talagang wala nang gastos. Eto yung patintero, taguan pung, habulang daga, doctor kwak-kwak, open the basket, touch the color, luksong baka, luksong tinik, pitik-bulag, jack en poy(na tinawag na ngayong bato-bato-pik), sawsaw-suka, at yung mataya-taya--isang uri ng larong habulan para sa mga batang gustong tumakbo nang tumakbo hanggang hikain sila.

Andyan din yung mga larong pwedeng tawaging Sugal For Kids, gaya ng goma, tex at jolens. Pero for formality lang ang mga rubber bands, play cards, at marbles n 'to. Ang totoo, hindi mo na kailangan bumili sa tindahan para maranasan ang thrill ng pustahan. Dahil pwede mong ilaban sa Kalog ang mga bagay na tulad ng balat ng sigarilyo, balat ng candy, at tansan ng mga bote ng beer, softdrinks, toyo, at patis. (Tip: magandang pamato ang mga tansan ng patis!)

Inabutan ko rin noon yung mga larong sadista tulad ng sumpak at sumpit. Masaya 'to, mga monggo ang bala mo. Magtatago ka, tapos titirahin mo lahat ang kalaro mo nang pa-traydor. Maraming na-barangay sa min dati dahil dito. Ang saya!!!

Hindi pa 'yan kumpleto. Syempre meron din tayong mga medyo weird na laro . Isa na dito ang larong hindi ko alam ang pangalan at hindi ko alam kung paano ko ide-describe. Para 'to sa mga batang lalake. Isang pinitpit at pinatalim na tansan ang ikinakabit sa tali na isinusuot naman sa mga hinlalaki ng magkabilang kamay. Paiikutin mo ang matalim na tansan na parang chain saw, tapos itatapat sa kalaban mong may hawak ding ganito. Panalo ka pag napatid mo yung tali nung kalaban. Talo ka pag tumalsik sa mukha mo yung blade at sumirt ang maraming dugo.

Kung mahilig ka sa mga brutal na kasiyahan, pwede mo ring pagtripan ang mga gagamba. Kailangan mo lang ng walis tingting o stick ng banana-Q at dalawang nagbubugbugang gagamba (disqualified ang gagambang-alikakabok at gagambang-talon). Kung gusto mo naman, pwede ring pagpustahan ang dalawang salagubang. Pagdikitin lang ang mga likod nila ng nginuyang bubble gum at ilapag sila sa sahig nang patagilid. Kung sino ang unang makatayo, yun ang panalo. Tiyak mag-e-enjoy ang buong pamilya.

Samantala, kung may ant farm ang mga taga-ibang bansa, meron din tayo, original at mas masaya pa. Madalas ako dating mag-ipon ng ipis sa loob ng bote ng softdrinks, o kaya naman, mga millipede o garapata sa loob ng transparent na lalagyan ng film ng camera. Pag sawa na 'ko, binubuhusan ko ng alcohol ang mga alaga ko. Minsan iniihian ko para mas cool!

Isa pang paborito kong laro e yung bangaw na may sinulid. Humuli ka lang ng malaking bangaw (yung makintab ang pwet) at dahan-dahan na pisain ang tiyan nito. May lalabas na kulay puti sa pwetan nito (na hanggang ngayon e hindi ko alam kung ano). Dito mo itatali ang sinulid, at presto, meron ka nang kaibigang bangaw na pwede mong sundan kahit saan!

Sa mga kababaihan naman, hindi mawawala yung aral-aralan, bahay-bahayan, luto-lutuan, at yung mga papel na manika. Eto yung mga larong makalat, dahil pagkatapos, asahan mong marami silang iiwanang mga durog na chichiria, mga ginupit na papel, at mga halamang hiniwa, tinadtad, at niluto sa "bahay" nila. At syempre pag may niluluto, may apoy. Madalas nagsasabay yung lutu-lutuan at bahay-bahayan. Naluluto yung bahay. Kaya kaaway ng mga bumbero ang larong 'to.

Marami-rami na 'yan, pero kung wala ka pa ring naaalalang sinalihang laro dati, malamang e ikaw yung loner na tipo ng bata. Kuntento ka na sa pamamakyaw ng mga maaalat na chichiria sa katabi n'yong tindahan, o sa pag-arkila ng mga Funny Komiks. Ayos na rin sa'yo yung pagpapaikot ng gulong sa kalsada, yung bang mga nakikita sa junk shops. O kaya naman e yung magnet, na ididikit mo sa kung saan-saan tapos masaya ka na. Andyan din yung pagpapaputok ng pinalobong plastic bag, yun bang transparent na plastic na pinaglagyan ng mga sibuyas na binili sa palengke. O kaya e yung pagligo sa malakas na ulan, kasama na d'yan yung karerahan ng bangkang papel sa kanal at yung paglulublob sa baha.

Yan ang pinagkakaabalahan ng mga bata . At ang mga maririnig mo sa kalye, ganito: May dumi sa ulo Ikakasal sa Linggo Inalis, inalis Ikakasal sa Lunes (Hindi ko alam kung ano ang sikreto ng kantang 'to, pero hindi 'to pumalpak kahit kelan. Pag kinantahan mo ng ganito ang bata, automatic na pilit nitong tatanggalig ang dumi sa ulo n'ya, kahit wala.)

Wala sa likod, wala sa harap Pagbilang kong tatlo nakatago na kayo Isa, dalawa... (sisilip ang taya) ...Game? (Sisigaw naman ang isang nagtago: "Game!" - - s'ya ang kadalasan ang laging unang nakikita.)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home