Sunday, April 08, 2007

Ito ang Gabi

Buhay ang Panginoon. Narito tayo at nagdiriwang sa gitna ng liwanag, sa samyo ng insenso, sa isang magandang liturhya, umaawit ng "Alleluya… si Kristo ay muling nabuhay," sa tugtog ng kampana. Ang lahat ay parang bago, nakakapagpaangat ng diwa’t damdamin. "Magalak ang Panginoon ay muling nabuhay.” Ngunit itinatanong ko, ano nga ba ang kinalaman nito sa katotohanan ng ating buhay. Sabi ng isa kong kaibigan na hindi naniniwala, “kuuh, lahat ng pinaggagagawa ninyo ay kaek-ekan lang."

At iniisip ko, may katuwiran kaya siya? Heto tayo at nagagalak, samantalang maraming tao sa oras na ito ang nagugutom at namamatay dahil sa digmaan. Masaya tayong lahat ngayon, pero ang ilan sa atin pag-uwi sa bahay mamaya, makikita na naman ang kanilang mister na lasing at hindi nakasama sayo rito dahil hindi interesado sa ka-ek-ekang ito. Daratnan mo ang anak mong tulog, na walang panahon sa simbahan, pagod sa maghapong barkada at telebabad. Ang ibig kong sabihin, matapos ang lahat ng ito, sa Lunes papasok ka na naman sa trabaho, para harapin ang parehong problemang iniwan mo bago magbakasyon. Makikita mo na naman ang kinaiinisan mong katrabaho. Aber, puwede ka bang pumasok sa Lunes sa trabaho at pagkababang-pagkababa ng bag mo sa trabahuhan mo, subukan mong isigaw sa buong pabrika… “Magalak..muling nabuhay si Kristo.” Sigurado ako, sasabihin nila, ‘tingnan mo yan, apat na araw lang nagbakasyon tinopak na ang ulo'.

Ano ng ba ang kinalaman ng ipinagdiriwang nating ito sa katotohanan ng buhay? Sigurado ako sa mga oras na ito, libu-libong mga bata sa Maynila ang nagpapalimos pa rin, at natutulog sa mga karton ng gatas sa kalye. Pagkatapos ng gabing ito libu-libong mga kabataan pa rin ang napupuwersang magbenta ng laman para sa kaunting halaga ng salapi. Sigurado ako sa gabing ito habang tayo’y nagsasaya, ilang puso ang sugatan sa paghihiwalay nila sa kanilang asawa? Lahat ng aking binabanggit ay masaklap. At di puwedeng itanggi, lahat ng ito ay totoo.

Tanungin natin: Ano nga ba ang idinadagdag ng pagkabuhay ni Kristo sa atin mga buhay. Isa sa pinakamahal at pinakamalaking pelikula sabagay sa buong kasaysayan ng pelikula, ay ang Lord of the Rings ni R.R. Tolkien. Naalaala ko pa ang isang magandang eksena dito habang nag-uusap ang dalawang bida, si Gandalf – ang wizard at ang unanong bayani na si Frodo. Sa lahat ng tao, pinili ang unanong si Frodo para manguna sa pakikipaglaban sa kasamaan. At ang sabi ni Frodo kay Gandalf, “Sana hindi na ito nangyari sa aking kapanahunan. Sumagot si Gandalf, “Yun din ang iniisip ko at yun din ang iniisip ng lahat ng taong nabubuhay sa ganitong kapanahunan. Pero wala sa kanila ang kapasyahan. Ang tangi nating mapagpapasyahan ay kung ano ang ating magagawa sa panahong ibinigay sa atin.

Araw-araw, may pangyayaring dumarating sa atin buhay na lagpas sa ating mga kagustuhan. Isang anak na sa kabila ng maraming pagmamahal na iyong ipinakita ay nalulong sa masamang gamot. Isang asawa, na sa kabila ng iyong katapatan, ay nagawa kang ipagpalit sa iba. Isang anak, na sa kabila ng ginastusan mo para makapagtapos ng pag-aaral ay mabubuntis lamang at sasama sa kung sinong lalaking ni hindi mo kilala. May mga tanong ang kapanahunan na hindi natin mahanapan ng sagot. Bakit kailangang masunog ang aming bahay o mawalan ng trabaho ang aking Tatay sa gitna ng aming kahirapan? Bakit ang aking nag-iisang anak pa ang kailangang magkaroon ng kanser? Bakit patuloy na namamatay ang maraming tao sa kahirapan at digmaan? Ang nangyayari sa araw-araw kadalasan ay lingid sa ating kaalaman, lumalagpas sa ating sariling kalooban. Wala sa atin ang kapasyahan.


Pero sa kabila ng lahat, mayroon akong puwedeng pagpasyahan. Ako ang magpapasya kung ano ang aking gagawin sa panahong ibinibigay sa akin. Ganito rin ang idinadagdag ng ating pagdiriwang sa gabing ito. Si Kristo ay muling nabuhay. AT sa kanyang pagkabuhay, ang ibinibigay sa atin ay totoong pag-asa. At ang tanda ng isang tunay na ssumasampalataya sa muling pagkabuhay ay ito: Sa kabila ng mga pangit na nangyayari sa ating buhay, nakakakita pa rin tayo ng kahulugan. Ang makasumpng ng kabuluhan, ay bahagi ng pag-asang ibinibigay ng muling pagkabuhay ni Kristo. Katotohanan Na sa huli, masaklap man at mahirap ang mabuhay, meron tayong hinihintay. Isang muling pagkabuhay rin at kaluwalhatian sa sinumang nagtiyaga at nanampalataya.

Ang gabing ito ay kakaiba sa lahat ng mga gabi. Sa gabing ito, bibinibigyan tayo ng isang bagong pag-asa. Pag-asa na nagmumula sa isang pagtatagumpay na pagkatapos ng lahat ng hirap at pasakit, may luwalhating naghihintay. Sa gabing ito, pinakita sa atin ang isang dakilang pagmamahal, isang malawak at malalim na pagmamahal. Sa gabing ito nanalo ang liwanag sa kadiliman, nanaiig ang kabutihan sa kasamaan. Sa gabing ito, winasak ang kamatayan at napagtagumpayan. Ito ang gabi, ang pagkabuhay ng ating Manunubos.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home